August 17, 2019 LUNGSOD NG LUCENA, Quezon – Ginanap ngayong ika-13 ng Agosto sa Governor’s Office Conference Room ang ikatlong Provincial ...
LUNGSOD NG LUCENA, Quezon – Ginanap ngayong ika-13 ng Agosto sa Governor’s Office Conference Room ang ikatlong Provincial Risk Reduction and Management Council Meeting, na siyang pinangunahan ni Acting Public Administrator Roberto Gajo, at ni Provincial Risk Reduction and Management Officer Dr. Melchor Avenilla, Jr.
Napag usapan sa nasabing pagpupulong ang lagay ng Dengue Outbreak sa lalawigan at ang mga kinakailangan mga hakbangin upang makontrol ito. Ang pinuno ng Integrated Provincial Health Office na si Dr. Grace Santiago ang siyang nagpresinta sa mga miyembro ng konseho ng mga detalye at karagdagang ulat ukol sa nasabing sakit. Sa kasalukuyan, may naitala nang 4,135 na mga nagka-Dengue sa Quezon – kung saan 12 dito ang napag-alamang pumanaw na.
Base sa datos mula kay Dr. Santiago, tumaas ng 197.27% ang insidente ng Dengue sa Quezon kung ikukumpara sa nagdaang taon. Alinsunod sa nakaka-alarmang bilang na ito, lalo pang pinag-igting ng Pamahalaang Panlalawigan ang mga aktibidad na naglalayong makontrol ang populasyon ng mga lamok na nagkakalat ng sakit. Kasama sa mga gawaing ito ang nagdaang Province-wide Clean Up Drive noong July 23-27 sa mga ospital, pampublikong paaralan, at ilang mga tanggapan ng pamahalaan, na siya mismong dinaluhan ni Gobernador Danilo E. Suarez.
Nakahain na sa Sangguniang Panlalawigan ang panukala upang madeklara ang State of Calamity sa Quezon, at inaasahang mapirmahan na ito sa darating na special session ngayong linggo.
Bukod sa mga kaso ng Dengue sa lalawigan, napag-usapan rin sa naganap na pulong ang nakaraang mga naging gale warning mula sa PAGASA na siyang naging basehan ng pagpapatigil ng pagbyahe ng mga sasakyang pandagat sa mga isla ng Quezon nang lampas sa isang linggo. Sa kasalukuyan naman ay mayroon na uling mga byahe, at pinapaalalahanan ang lahat na sumunod na lamang sa mga tagubilin upang maiwasan ang mga aksidente tulad ng nangyaring paglubog ng lantsa ng Mercraft sa may Real, Quezon noong nakaraang taon.
Ayon kay Provincial Social Welfare and Development Officer Sonia Leyson, wala namang naganap na kakulangan ng pagkain sa mga isla na siyang nagdulot ng gutom. Di lamang madala sa mga isla ang ilang mga piling pagkaing inaangkat, tulad ng repolyo at mga carrots. Nasabi naman ng Philippine Coast Guard sa pangunguna ni CDR Wilmo M. Maquirang na bukas naman sila at ang Navy para sa relief operations kung kinakailangan.
Inaasahan na sa pagdaan ng taon at paglakas pa ng mga alon ay magiging mahirap na namang makabyahe mula at papunta sa Polillo Group of Islands. Ito naman ay normal na, ngunit sa pagdagdag ng insidente ng Dengue, naghain ng suhestyon si CDR Maquirang na magkaroon na din ng Sea Ambulance ang iba pang mga isla bukod sa bayan ng Polillo.
Bago matapos ang pagpupulong ng koneho, napag usapan din ang planong pag-angat sa deklarasyon ng State of Calamity ukol sa El Niño. Napagkaisahan na intayin muna ang ulat ng Department of Agriculture bago pagdesisyunan ito. Nagbigay din ng maikling paalala si Provincial Veterinarian Dr. Flomella Caguicla ukol sa African Swine Fever at sinabihan ang lahat na huwag munang bumili o magdala ng mga pagkaing gawa sa karneng baboy na galing sa ibang bansa.
Bukod sa mga nabanggit nang ahensya, nagpadala rin ng mga kinatawan ang iba’t-ibang na tanggapan: Provincial Government – Environmental and Natural Resources Office, Quezon Public Information Office, Sangguniang Panlalawigan, Girl Scouts of the Philippines, PAGASA, Department of Trade and Industry, Provincial Gender and Development Office, Philippine Coconut Authority, National Food Authority, Red Cross, Quezon Philippine Police Office, Team Energy, Department of Public Works and Highways, Quezon ARMOR, DILG-Quezon, Radyo Pilipinas, Philippine Information Agency, Southern Luzon Command, at KABALIKAT Civicom. (Quezon PIO)
No comments