August 3, 2019 Sa pagsisimula ng ika-labing walong sangguniang panlungsod ng Lucena, ilan sa mga bagong komitibang pinamumunuan bilang cha...
Sa pagsisimula ng ika-labing walong sangguniang panlungsod ng Lucena, ilan sa mga bagong komitibang pinamumunuan bilang chairperson ni Konsehal Anacleto Alcala III ay ang Committee on Accountability of Public Officials, Ethics and Privileges; Committee on Agriculture at Committee on Appropriation, Budget and Finance.
Kaugnay nito, sa naging panayam ng TV12 sa butihing konsehal, ibinahagi nito ang ilan sa mga programang isinusulong at ipinapatupad ng lokal na pamahalaan para sa pamayanan sa ilalim ng mga naturang komitiba, gayundin ang ilan pang mga proyektong pinaplano.
Para umano sa Committee on Accountability of Public Officials, Ethics and Privileges na kung saan ay nakasentro sa ilang usapin sa barangay na siyang itunuturing na grass root level ng pamahalaan. Maaaring nakapaloob aniya dito ay ang mga reklamo patungkol sa mga kapitan, kagawad, tanod o sinumang kawani ng barangay.
Nakahanda aniya siyang maiangat ang prinsipyo ng accountability at maipamulat sa bawat opisyales ang kani-kanilang gampanin, ang maglingkod sa bayan ng tapat, mahusay at naaayon sa kanilang mandato.
Walang sinumang opisyales maging sa lebel ng nasyunal ang may karapatang mang-abuso ng kapangyarihan. Pahayag pa ng konsehal, kinakailangang pangatawanan ng bawat isa ng responsibilidad nilang moral at manatiling mapagkumbaba sa pagsisilbi sa mga mamamayan.
Sa aspeto naman aniya ng pang-agrikultura, isa sa programa ng pamahalaang panlungsod ay ang pag-iinstall ng motorized deepwells sa ilang taniman sa Lucena na walang maayos na patubig o di kaya’y hindi naaabot ng irigasyon.
Gayundin ang pagpapakilala at pamamahagi ng binhi sa mga magsasakang Lucenahin nang sa gayun ay magagamit nila itong pananim na kayang ibsan ang kalamidad tulad ng bagyo na maaaring dumating sa lungsod.
Bagama’t sa mga nakalipas na termino aniya ay naging bahagi na din siya ng Committee on Appropriation, Budget and Finance, sa pagkakataong ito naman ay si Konsehal Alcala ang tumatayong chairperson.
Aniya, sisguraduhin at titiyakin niya na naaayon sa local government code ang paggasta sa pondo ng bayan at ito ay ginagamit lamang sa serbisyo publiko tulad ng mga programa at proyekto sa pamayanan.
Gayundin ay kinakailangang may general welfare ito at well-balance ang paglalagak ng pondo sa iba’t ibang aspeto.
Malugod na ibinahagi rin ng alkalde ang ilan sa mga programa pagdating sa Committee on Urban Poor Affairs. Ayon sa konsehal, isa sa prayoridad ni Mayor Dondon Alcala ay ang pagkakaroon ng housing department na unti-unti na ngang naisasakatuparan.
Gayundin, pinagtutuunan ng pansin ang pagsasaayos ng mga existing land titles para naman umano sa mga mararalitang tagalungsod.
Patuloy din ang pagsasagawa nila ng clean-up drive sa kapaligiran lalo’t higit ang pagsusulong ng malinis at maaliwalas na kabahayan at ang pagtatanim ng mga puno, para naman sa Committee on Environment.
Ang mga nabanggit ay ilan lamang sa mga inaasahan at isinasagawa nang programa ng lokal na pamahalaan para sa mga mamamayan ng lungsod ng bagong Lucena. (PIO-Lucena/ M.A.Minor)
No comments