by Mamerta De Castro August 10, 2019 LUNGSOD NG BATANGAS - Matagumpay na isinagawa ng Provincial Health Office ang pagdiriwang ng 45thNutr...
August 10, 2019
LUNGSOD NG BATANGAS - Matagumpay na isinagawa ng Provincial Health Office ang pagdiriwang ng 45thNutrition Month sa Provincial Auditurium, Capitol Compound sa lungsod na ito noong ika-30 ng Hulyo.
Ayon kay 2ndDistrict Board Member Dr. Arlina Magboo ang naturang pagdiriwang ay napapanahon at isang paalala upang patuloy na isulong ang pagkain ng masustansya.
“Dapat po ay maging pokus tayo sa iba’t-ibang health activities tulad ng physical fitness dahil ito ay mabuti sa ating katawan lalo na at karamihan ay nagkakaroon na ng edad. Hindi po dapat na pabayaan nating wala tayong ginagawang exercise kahit kalahating oras lamang sa isang araw dahil nakabubuti ito sa ating kalusugan at kaisipan,” ani Magboo.
Sa mensahe ni Governor Hermilando Mandanas, sinabi nito na ang mga Barangay Nutrition Scholars(BNS) ang kauna-unahang katuwang ng pamahalaang panlalawigan sa pagpapalawig ng programang pangkalusugan.
“Malaki ang pasasalamat ko sa ating mga katuwang na BNS dahil napapalakas ang mga programa natin sa barangay sa pamamagitan ng kanilang tulong kaya’t dapat lamang na ating dagdagan ang kanilang honorarium. Hinihikayat ko din ang mga BNS natin na magtayo ng kooperatiba para mas matulungan pa sila ng pamahalaang panlalawigan,” ani Mandanas.
Bukod pa dito, sinabi din ng punong lalawigan na balak nilang dagdagan pa ang mga hospital beds sa mga district hospitals gayundin ang pagbili ng mga karagdagang dialysis machines, CT scan, at ambulansya na magagamit ng lahat ng residente sa biglaang pangangailangan nito. Nagpapatayo din ng mga Dream Zones, isang gusali na magsisilbing evacuation area at activity area kung saan lalagyan din ng tanggapan ng mga BNS upang mas maging kumportable sila sa kanilang pagseserbisyo.
Nangako din ang Gobernador na bibigyan ng scholarship ang lahat ng anak ng mga BNS at hiniling sa Provincial School Board na pag-aralan ito kung sakaling hindi umabot sa ceiling grade ang mahalaga ay pasado ito at walang bagsak. Maging ang mga apo ng mga BNS ay bibigyan ng pagkakataong maging scholar ngunit isang apo lamang ang maaaring i-enrol sa naturang scholarship.
Ayon kay Ezra Minette Lasin, Nutrition Officer II ng National Nutrition Council, may tatlong key messages na dapat tandaan ang mga tao para mapanatiling malusog. Kabilang dito ang paglalaan ng isang oras na pisikal na aktibidad araw-araw; paglilimita ng paggamit ng screen time o gadgets sa dalawang oras at pagkain ng mga pagkaing kabilang sa go, grow and glow food groups.
Samantala, ginawaran ng pagkilala ang mga Natatanging Municipal Nutrition Committees na ang naging basehan ay ang 2018 Program Implementation Accomplishments. Kabilang sa mga ito ang Calaca LGU para sa 2018 Nutrition LGU Citation na nabigyan ng sertipiko at P5K; San Jose LGU para sa 2018 Nutrition LGU Performer na may sertipiko at P8K, at ang Sto. Tomas LGU para sa 2018 Outstanding Municipal Nutrition Committee na ginawaran ng plake ng pagkilala at P10K.
Nakuha naman ng Brgy. Bayudbud sa bayan ng Tuy ang 2018 Provincial Outstanding Barangay Nutrition Committee na ginawaran ng plake at P5K.
Kinilala bilang Outstanding Municipal Nutrition Action Officers sina Clara Pilapil ng Calaca (2018 MNAO Citation); Edwina Cantos ng San Jose (2018 MNAO Performer at Maria Cristina Girlie Solleza ng Sto. Tomas (2018 Provincial Outstanding MNAO).
Ginawaran din ng 2018 BNS Citation si Carina Atienza mula sa Brgy. Puting Bato East, Calaca; 2018 BNS Performer Mary Ann Sumcad ng Brgy. Ibabao , Cuenca, at 2018 Provincial Outstanding BNS si Bernardita Valdoz ng Brgy. Bayudbud, Tuy.
Binigyang pagkilala naman ang City/Municipal Nutrition Action Officer na nagsilbi ng matagal na panahon kabilang sina Ludy Castro ng San Juan (23 years); Jeanne Aclan ng Lobo (23 years); Gerarda Silang ng Mabini (26 years); Cecilia Perez ng Taysan (29 years) at Luciana Manalo ng Batangas City na nagsilbi ng 38 taon. Bawat isa ay ginawaran ng plake ng pagkilala at P4,500 cash prize.
Nagkamit ng Special Award para sa Best Lactation Station sa Hospital Workplace ang Lipa City District Hospital at Mahal na Virgen Maria Sto. Rosario District Hospital. Para naman sa LGU/RHU Workplace ay ang bayan ng Sto. Tomas at San Jose. Lahat sila ay nabigyan ng sertipiko ng pagkilala at P5K.
Sa isinagawang poster slogan contest para sa mga mag-aaral ng pampublikong elementarya na nakatutok sa promosyon ng paggamit ng Salt Iodization Program, hinirang sa una,ikalawa at ikatlong puwesto sina Kristel Kim Orna mula sa Quiling Elem. School sa Talisay; Pauline Ruth Macaspac ng Lemery Pilot Elementary School, Lemery; at Princess Jacqui Fabiala ng Padre Imo Luna Memorial Elem. School ng San Jose. (BHABY P. DE CASTRO-PIA Batangas)
No comments