by Marigel M. Padua Ipilan-Alitao Elementary School August 10, 2019 Tangan ang watawat ng Pilipinas, masayang iniuwi ng Oroquieta...
by Marigel M. Padua
Ipilan-Alitao Elementary School
August 10, 2019
Tangan ang watawat ng Pilipinas, masayang iniuwi ng Oroquieta Chamber Singers ang dalawang ginto buhat sa Taipei, Taiwan |
LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - Dalawang gintong karangalan ang naiuwi ng Oroquieta Chamber Singers (OCS) ng Quezon sa ginanap na ikalawang International Choral Competition sa Soochow University Taipei, Taiwan noong Agosto 1-2, 2019. Kabilang sa mga naguwi ng karangalan ang dalawang gurong Tayabasin na sina Marigel M. Padua (Teacher I) mula sa Ipilan-Alitao Elementary School at Wendel R. Mayor (Teacher I) na nagmula naman sa Luis Palad Integrated High School.
Nasungkit ng grupo ang unang gintong karangalan sa Open Competition Category 3 - Sacred, laban sa tatlong bansa – China, Poland, at Indonesia , sa kanilang sariling rendisyon ng Ave Maria, Creation Crescendo at Marcos 10:14.
Samantala, ang mga awiting Rain from the Sky, Koyo Nu Tebul at Arimaonga and naghatid sa OCS ng ikalawang ginto buhat sa Category 8 - Ethnic/Traditional Music na nilahukan naman ng 8 pang bansa.
Halos isa at kalahating taon pa lamang na nagsisilbing community-church based choir sa lungsod ng Lucena ang nabangggit na grupo na binubuo ng 34 na mga estudyante at propesyunal mula sa iba’t ibang larangan.
Ayon kay Jose Israel Deza, 29, guro sa Quezon Science High School at konduktor ng OSC, pawang mga baguhan at walang karanasan sa internarsyonal na paligsahan ang mga miyembro ng kanilang grupo.
“Nang magbukas ang Taipei ng kanilang 2nd International Choral Competition, agad kaming nagparehistro baon ang pag – asang kaya naming bigyan ng katuparan ang isang malaking pangarap,” saad ni Deza.
Isa sa mga naging hurado ng nabanggit na kompetisyon si Jonathan Velasco, konduktor ng Ateneo Chamber Singers at Pangulo ng The Philippine Choral na kumilala rin sa husay ng OSC.
“Hindi man namin nasungkit ang unang pwesto, parang winner na kami sa pagiging kinatawan pa lang ng ating bansa, parang hindi kami makapaniwala na ang isang koro na nagsisimula pa lang ay mapapasama at lalaban na sa mga beteranong koro sa mundo, ” dagdag pa ni Deza.
Muling magtatanghal ang Oroquieta Chamber Singers sa isang libreng konsyerto sa St. Ferdinad Cathedral Church, Lucena City sa Agosto at sasabak na muli sa isa pang paligsahan, ang Manila Broadcasting Company (MBC) National Choral Competition sa Disyembre 2019.
No comments