August 3, 2019 Sa inisyatibo ng mga kawani ng Department of Interior and Local Government-Lucena sa pangunguna ni City Director Engr. Dani...
Sa inisyatibo ng mga kawani ng Department of Interior and Local Government-Lucena sa pangunguna ni City Director Engr. Danilo Nobleza, ay isinagawa ang ikalawang siklo ng SK mandatory training sa lungsod.
Naging partisipante sa naturang aktibidad ang mga SK treasurers at secretaries gayundin ang ilang mga SK Kagawad mula sa iba’t ibang barangay.
Ito ay isang araw na pagsasanay ng mga naturang opisyales sa isang three-moduled session na kung saan ay ilalahad at ituturo sa kanila ang iba’t ibang saklaw na kinakailangan nilang matutunan sa paggampan sa kanilang tungkulin.
Sa pagsisimula ng programa, ipinaliwanag at ipinagbigay-alam ni Engr. Nobleza ang ilan sa mga alituntuning dapat ikonsidera pagdating sa pagpoproseso sa paglalaan, paglalabas, pagpaplano at pagbabadyet ng pondo ng SK.
Pinangunahan naman ni LGOO V Christen Joy Ingles ang unang bahagi ng module sa pamamagitan ng pagtalakay nito sa ilang mga usapin hinggil sa decentralization at local governance.
Naging aktibo naman ang mga partisipante nang idaan ni LGOO II Ashton Jalra Garcia ang kaniyang presentasyon sa isang modernong pamamaraan ng paglalahad. Binigyang kaalaman nito ang bawat isa sa naging kasaysayan ng Sangguniang Kabataan at kung paano ito nabuo gayundin ang naging kaganapan sa pagbabago ng probisyon ng batas mula noon hanggang ngayon.
Matapos ito ay tinalakay naman ni Jarold Fermanez na siyang student affairs coordinator ng Dalubhasaan ng lungsod ng Lucena ang usapin kung paano pinamamahalaan ang regular na pagpupulong o sesyon ng sangguniang kabataan, gayundin ng tamang paraan ng pagsusulong at pagpapatupad ng resolusyon o ordinansa sa hanay ng kanilang pamamahala.
Sinundan naman ito ng Local Youth Development Officer na si Criselda David na kung saan ipinagbigay alam nito sa mga nakiisa ang tinatawag na code of conducts at ethical standards para sa public officials and employees sa lungsod.
Upang ipagpapatuloy ang aktibidad, inilahad naman ng Senior Staff ng City DILG na si Charmaine Lopez ang ilang mga karagdagang usapin pagdating sa budgeting and planning. Kasabay din nito ay inilahad ang nilalaman ng mga bagong patnubay ng Joint Memorandum Circular o JMC sa pagitan ng DILG, National Youth Commission at Department of Budget and Management na mga guidelines na dapat isaalang-alang sa tamang paggamit at pagbabayet ng SK funds.
Ang nabanggit na pagsasanay ay iniorganisa bilang pagtugon sa Republic Act 10742 o mas kilala bilang Sangguniang Kabataan Reform Act of 2015 na naglalayong sumailalim ang mga nanalong SK officials sa isang training bago nila hawakan ang kani-kanilang posisyon at manungkulan bilang public servants.
Sa naging panayam naman ng TV12 kay City DILG Senior Staff Charmaine Lopez, bukod sa mandato ng batas ang pagsasagawa ng nabanggit na pagsasanay, malaking importansya din aniya ito para sa mga SK officials dahilan sa dito sila mas nahuhubog upang makapamahala ng maayos at epektibo sa kanilang mga ka-barangay at makapagbigay ng kaukulang serbisyong iniatang sa kanila.
Matapos ang isinagawang training ay sumailalim naman ang mga ito sa panunumpa, tanda ng kanilang buong puso at tapat na paggampan sa bawat responsibilidad na kalakip ng kanilang bawat posisyon.
Matapos ito ay nakatakda silang sumailalim sa Comprehensive Brgy. Youth Development Plan o Annual Brgy. Youth Investment Program para naman sa crafting and application ng kanilang mga natutunan at ang pagresolba at paggawa ng paraan sa pamamagitan ng programa o proyekto para sa mga assesse needs ng mga kabataan na kanilang natukoy mula sa Katipunan ng Kabataan o KK assembly sa kanilang barangay. (PIO-Lucena/ M.A.Minor)
No comments