by Nimfa Estrellado and Brian Zagala September 20, 2019 Photo was taken on September 17, when Arnulfo Pacalda, father of Alexandrea Pa...
September 20, 2019
LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - "Nasa loob pa rin si Alexa ng kampo hanggang ngayon, sa kampo ng 201st Infantry Brigade ng Philippine Army sa Brgy. Rizal llaya, Calauag. Hindi totoo na kasama na niya ang magulang niya, dahil hindi pa rin siya binibitawan ng 201st IB. andoon kahit walang kaso na nakasampa laban sa kanya", ito ang naging mariing pahayag ng isang miyembro ng Karapatan-Quezon ng tanungin ng Sentinel Times sa isang ekslusibong panayam, Septyembre 20, 2019, ang kalagayan ngayon ni Alexa.
Si Alexandrea Padilla Pacalda, 24 taong gulang, na naiulat na NPA na dinukot ng sundalo sa Quezon ay naging estudyante ng Manuel S. Enverga University Foundation sa Lungsod ng Lucena, Quezon. Alexa o Alex sa mga kaibigan niya ay isang human rights activist at peasant advocate. Siya ay naging Presidente at ngayon ay isang aktibong miyembro ng Gabriela Youth at dati rin siyang Managing Editor ng The Luzonian, ang opisyal na publikasyong mag-aaral ng MSEUF, Secretary General ng College Editors Guild of The Philippines-Southern Tagalog (CEGP). Nagtapos na may degree sa Mass Communication noong 2017. Bukod sa pagiging media practioner, hilig din ni Alexa na tumulong sa ibang tao at sinusuportahan siya ng kaniyang pamailya sa mga ginagawa niya. Aniya ng pamilya ni Alexa nagke-kwento siya ng kanyang mga advocacy work at kung gaano ka-fulfilling ito para sa kanya tuwing pumupunta siya sa mga magsasaka para alamin ang kalagayan nila.
Alexandria Padilla Pacalda (Photo from her Facebook account) |
"Illegal siyang inaresto ng AFP, sa Brgy. Magsaysay, Gen. Luna, Quezon noong September 14. Sa kasalukuyan illegally detained pa rin siya. Walang dahilan ang militar para illegal na damputin si Alexa, sadyang nanginginig ang tuhod ng pasistang gobyerno ni Duterte sa mga mamamayang lumalaban, gaya ni Alexa. " dagdag pa ng Karapatan-Quezon
Sa opisyal na pahayag ng Karapatan-Quezon sa kanilang Facebook page, sabi nila sa panahong sinusulat ito ay anim na araw nang illegal na naka-detina si Alexa. Nasasaad sa batas na ang sinumang inaaresto ay awtomatikong mapapailalim sa "custodial investigation" at sa panahong nasa custodial investigation ang isang tao ay kailangan syang mabigyan agad ng abugado; naipagkait kay Alexa ang karapatang ito.
Sa isang bukas na liham ng pamilya Pacalda para sa mamamayan ng Quezon pinatotohanan din ni Arnulfo Pacalda, isang electrician at ama ni Alexa ang pahayag ng Karapatan-Quezon.
Ani ni Arnulfo kasalukuyang nakapiit si Alexa sa kampo ng 201st Infantry Brigade ng Philippine Army sa Brgy. Rizal llaya, Calauag nang wala namang nakahaing kaso.
Aniya pa sumulat sila upang ipaalam sa publiko ang sinasapit ngayon ng kanilang anak at buong pamilya sa kinahaharap na sitwasyon ng kanilang anak na si Alexa. Kumakatok sa kanilang mga kababayan para sa suporta upang mapalaya na si Alexa.
"Kami po ay nakatira sa Lucena. Si Alex ay tipikal na babae, malambing sa magulang, masipag at matapang. Pinalaking may takot sa Diyos at matulungin sa kapwa." ayon sa sulat ng pamilya ni Alexa.
"Ala-sais ng Setyembre 14, nagulat kami sa dumating na balitang dinakip siya ng mga sibilyan sa Brgy. Magsaysay, General Luna, habang magsasagawa ng human rights consultation sa mga magsasaka na biktima ng militarisasyon at paglabag sa karapatang pantao. Isinakay siya sa blue na sasakyan at kung saan-saan dinitineng kampo at police station. Dinakip ang aking anak ng apat na nakasibilyang lalaki habang nasa isang bahay ng magsasaka sa nasabing bayan. Ang aking anak na si Alexa ay pinapalabas ngayon na NPA surrenderee gayong isang human rights worker lamang po siya na makikipagkonsultahan dapat sa nabanggit na lugar." pahayag pa ni Arnulfo.
"Nahabag at naluha ako sa itsura ng anak ko sa pantotortyur ng mga sundalo sa kanya. Wala mang pisikal na pananakit ngunit ngayon ay dumaranas ng matinding mental stress dahil hindi siya tinitigilan ng mga militar na sumuko bilang NPA. Maski kaming pamilya ay dama rin ang emotional at mental stress sa poder ng mga sundalo." dagdag niya pa.
Ayon pa sa ama ni Alexa ang mga kuhang litrato na pumipirma si Alexa bilang boluntaryong sumuko ay ang panahong wala na siyang malay at wala na sa kanyang angkop na pag-iisip dahil pinagkaitan siyang matulog ng mahigit 24 oras. Ngayong Setyembre 20, ikinasasakit anila na ang kanilang anak ay pang-anim na araw nang nakapiit sa kampo ng mga militar ngunit wala namang sala at walang kaso.
Ayon pa sa ama ni Alexa siya at ang kanilang lalaking anak ay pansamantalang lumiliban sa kanilang mga trabaho, kahit wala munang matanggap na kita, upang bantayan at matiyak lamang na hindi mapahamak si Alexa.
Ito pa ang naging malungkot na pahayag ng ama ni Alexa, "Bilang ama, tinapangan ko na rin ang aking sarili at sinasamahan ko sa loob ng kampo ang aking anak hanggang pagtulog sa gabi dahil natatakot siya na kapag hindi kami makabisita ay pipilitin na naman siya ng mga militar. Lubos din ang aming pagaalala sa aking asawa na may hypertension kung kaya limitado lamang kung makita ng kanyang ina si Alex upang mapangalagaan ang kanyang kalusugan. Matatag pa rin ang samahan ng aming pamilya lalo na't nananaig pa rin kay Alex ang tapang at dedikasyon, at gusto nyang patunayan na wala siyang ginagawang sala para akusahan at ipiit ito ng militar. Naniniwala po kami na iligal at walang batayan ang panggigipit ng militar sa aking anak kaya ipinapanawagan po namin na sana ay agad na siyang palayain. Bilang magulang, hindi ko kailanman iiwanan ang aking anak sa mga ganitong gipit na kalagayan. Lalo na po na alam ko po na nasa amin ang panig ng katotohanan at inyong suporta at pang-unawa. Muli, ako po at ang aking buong pamilya ay nananawagan sa 201st Infantry Brigade ng Phil Army na palayain na ang aking anak. Nananawagan din po kami sa lahat ng mamamayan ng inyong suporta upang mabuo na po muli ang aming pamilya at makasama na namin ang aming anak na si Alexandrea Pacalda. Maraming salamat po at pagpalain po kayo ng Maykapal."
"Upon consultation with him (Arnulfo) over the phone this morning, he said that he was instructed by the military to put his cellphone on loud speaker so the military can hear our conversation. His text messages are also being read and monitored by the military. I invoked lawyer-client privilege communication but they said that they have to consult this to their boss first. I asserted that this is a violation of the right to privacy and they don't have any business knowing what our conversation is about. You are the real kidnappers, 201st IB. You must release Alexa and stop harassing her family." Ayon naman sa abogada ni Alexa na si Atty. Maria Sol Taule.
Sa ekslusibong pang panayam ng Sentinel Times sa telepono, sinabi ng isang dating kasamahan sa trabaho at matalik na kaibigan ni Pacalda na tumangging pabanggit ang pangalan, giniit niyang hindi NPA si Pacalda at hindi totoo ang paratang ng militar na may ilegal siya na armas. Aniya 'tanim-ebidensiya' ang armas na ito.
Isiniwalat din niya na bago naganap ang pagdukot at sapilitang pagpapasuko ng AFP kay Pacalda, isang insidente ng pagnanakaw at panloloob sa opisina na kanilang pinagtatrabahuhan ang naganap sa Brgy. 4, Lucena City, Quezon, noong Marso, ngayong taon.
Aniya mahahalagang dokumento ang natangay ng mga hindi pa nakikilalang kawatan mula sa niloobang opisina. Mga dokumento na diumano ay naglalaman ng mga paglabag sa karapatang pantao ng mismong mga alagad ng batas.
Sa ngayon ang mga magulang ni Alexa ay nakikipag-tulungan na sa Karapatan, National Union of People's Lawyers at Commision on Human Rights upang pabulaanan ang sinasabing pagsuko ni Alexa sa AFP.
No comments