by Jay S. Lim Kasama ng Kalikasan September 28, 2019 Greta Thunberg “Skolstrejk för klimatet,: “school strike for climate”. ...
Kasama ng Kalikasan
September 28, 2019
September 28, 2019
Greta Thunberg “Skolstrejk för klimatet,: “school strike for climate”. |
Tumatanda na ang panahon nagiging makakalimutin na…
Setyembre ngayon pero mainit pa rin ‘di tulad noong una-una na pagsapit ng buwang may ber ay malamig na at kailangan na nating ilabas ang pang malakasang jacket pag pumasok na ang buwang may ber. Ito ang mga katagang narininig kong kwento ng isang mamang sa aking tantya ay humigit kumulang sa animnapong taong gulang, sa maiksing salita ay senior na, habang ako’y nagkakape sa isang kilalang food chain, sa isa ring kilalang mall sa lungsod ng Lucena habang ako naman ay abalang naguusisa ng newsfeed ng aking Facebook.
Sa tunay na buhay ay naka konek ako sa sinabi ni manong kung sino man sya. Kahit papano noong dekada otsenta at nobenta na kapanahunang ako’y bagets pa tunay ngang pag buwang may ber na’y panahon na para pomorma at ilabas ang jacket para kahit papano ay magmukhang artista.
Ano nga pa ang nangyari at patuloy na umiinit ang ating panahon? Tuloy ‘di ko na rin mailabas ang aking pangmalakasang jacket.
Tila napakabilis ng dalawang dekadang nagdaan na noong mga panahong iyon ay nagsimula na ang pag arangkada ng advance o sulong na agham o siyensya at teknolohiya. Pero malaking tanong na maiisip natin…sulong nga ba ang ating pagtuklas sa siyensya at teknolohiya kung ang nagagawa lang nito ay aralin ang daloy at galaw nitong ating mundo? Patuloy ba tayong mamamangha at hahanga sa nauusong teknolohiyang ang kakayahan lang ay panoorin, pusuan, i-like o i-unlike ang mga balita at impormasyon patungkol sa pabilis na pabilis na nawawasak nating mundo? Magpapatuloy pa ba tayong maniniwala at tatanggapin na lamang na tayo mismong mga tao at ang sulong kunong teknolohiyang ang salarin sa patuloy na krisis sa klima nitong ating mundo? At magiging hanggang sa tanong na lamang ba tayo sa krisis ng panahong dinaranas natin ngayon at ng mga kabataang ang paniwala natin ay kinabukasan ng ating bayan? Ah napakaraming katanungan ang nagsasalimbayan sa isip ko ngayon…pero iisa lang ang nabubuong sagot sa isipan ko…may magagawa pa tayo para sa kinabukasan, kabataan man o maging sino ka man.
Alam ko pong hindi lingid sa inyong kaalaman ang mga balita tungkol sa isang kabataang taga Europa na nagngangalang Greta Thunberg na sikat na sikat ngayon sa social media lalo na sa FB at Tweeter at sa mismong mainstream media sa buong mundo. Isang kabataang inspirasyon ngayon ng lumalawak na pandaigdigang protesta ng mga kabataan sa hinggil sa Climate Strike. Sa biglang tingin iisipin mong hindi edad 17 anyos si Greta sa kanyang pananalita at pagtalakay sa usapin ng Climate Crisis ang iba nga ay iniisip na hindi siya ang gumagawa ng kanyang mga talumpati dahil nakakahon tayo sa panawa na ang kabataan ay walang sapat na kamalayan at kakayahan sa katulad ng edad ni Greta, pero mukhang sapantaha lamang pala ang lahat, dahil ang mga kabataan ngayon ay may kakayanang lubos na magpahayag ayon sa kanilang nararamdaman, pananaw at katotohanan mula mga impormasyong kanilang nakikita.
Hangga ako kay Greta at sa mga kabataang tulad nya sana dumami pa ang Greta sa mundong ito para ipaglaban ang kanilang kinabukasang ninakaw ng mga matatandang ang pananaw ay uso lamang ang krisis ng panahon o klima na nararanasan natin ngayon. Mga matatandang nakakahon sa kaisipan at paniniwalang kabataan ang pag-asa ng bayan at kinabukasan habang ipinagkakait at ninanakaw ang kinabukasang para sa mga kabataan. Mga matatandang ang kaligayahan na lamang ay panoorin ang patuloy na nangyayaring pagkasira ng mundo ng walang ginagawa para maisalba ito. Mga matatandang ang pananaw ay dahil tumatanda lang ang mundo at nagiging makakalimutin na…mga matatandang ang tulad mo, tulad ko, tulad nyo na umaasa sa himala habang walang ginagawa.
Kabataan ngayon kayo nga ba ay pag-asa ng bukas? Ito ang malaking tanong na bumabagabag ngayon sa aking isipan…papaano magiging pag-asa ang mga kabataan sa kasalukuyang kondisyon ng mundo na patuloy na may mahigit na lamang na sampong taon ang itatagal ayon sa mga dalubhasa. Pasasaan nga ba ang kanilang bukas sa kapanahonang ang tagtuyo’t at tagbaha ay laganap na nagiging sanhi ng pagbagsak ang ani ng mga magsasaka at mangingisda, na sa atin ay nagpapakain…saan ba hahantong ang pag-asa habang patuloy na bumabangis ang mga bagyo at iba’t-iba pang mga kalamidad sa mundong ito? Habang patuloy namang nagsasawalang bahala ang mga lider ng mga bansa at kinauukulan sa panawagan ng mga kabataan ng mundo na tulad ni Greta na tunay na pag-asa ng bukas.
No comments