September 7, 2019 LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - Sa kauna-unahang pagkakataon ay isinagawa sa Brgy. Mayao Crossing ang Sangguniang Kabataan D...
LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - Sa kauna-unahang pagkakataon ay isinagawa sa Brgy. Mayao Crossing ang Sangguniang Kabataan Disaster Olympics.
Ito ay sa inisyatibo na rin ng SK Chairperson ng barangay na si Ahra Joy Lacuarin katuwang ang mga kagawad at opisyales nito, gayundin ang sangguniang barangay sa pamamahala ni Kapitan Zosimo Macaraig.
Naging kalahok sa aktibidad ang mga mag-aaral ng Lucena City National High School- Mayao Crossing Extension na kung saan ay nahati ang mga ito sa labindalawang grupo na naglaban-laban sa iba’t ibang kategorya.
Sampung team mula sa iba’t ibang section sa sekundarya habang ang dalawang natitirang grupo ay mga opisyal ng Supreme Student Government o SSG at Youth for Environment in Schools Organization o YES-O ng nasabi ring paaralan.
Sa pagsasakatuparan ng aktibidad, unang isinagawa ang basic bandaging o paglalagay ng paunang bendahe sa mga indibidwal na apektado o nasugatan buhat sa kalamidad at trahedya.
Sinundan naman ito ng transfering relay at spineboard management para naman sa mga biktimang lubhang naapektuhan na nagdulot ng hirap sa paglalakad at pagkilos. Gayundin ng mga indibidwal na kinakailangan ng ilikas at dalhin sa pinakamalapit na pagamutan.
Masigla at masaya namang nakibahagi ang mga mag-aaral sa bawat patimpalak na kanilang sinalihan.
Nakita dito ang kooperasyon at pagtutulungan ng bawat isa at ang kanilang dedikasyon at pagpoporsiging manalo.
Bawat naging kalahok naman ay pinagkalooban ng sertipiko ng pagkilala habang binigyan naman ng medalya ang mga nagwagi.
Para naman sa pinakangpremyo ng mga mag-aaral, magkakaroon ang kanilang eskwelahan ng isang lugar na tinatawag nilang “kubo ng karunungan” kung saan dito maaaring mag-aral ang mga estudyante at gumawa ng mga gawaing may kinalaman sa kanilang pag-aaral.
Sa kabilang banda, sa pamamagitan din ng pagdaraos ng SK Olympics ay nasusukat ang abilidad ng mga kabataan pagdating sa posibleng pagiging respondents sa mga kalamidad pagdating nila sa sapat na gulang.
Gayundin ay upang sa murang edad pa lamang ay mamulat na ang mga ito pagdating sa kahandaan at preparasyon sa mga di inaasahang sakuna at kalamidad sa lungsod.
Isinagawa rin ito bilang pakikiisa ng sangguniang kabataan sa pagdiriwang ng lungsod sa linggo ng Kabataan 2019. (PIO-Lucena/M.A.Minor)
No comments