September 14, 2019 LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - “Walang kabusugan ang tiyan kung hindi nito nabubusog ang maalab na damdamin ng mga tagapa...
LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - “Walang kabusugan ang tiyan kung hindi nito nabubusog ang maalab na damdamin ng mga tagapaghanda sa hapag kainan gaya ng tinapa at chami ng lucena na lalong sumasarap kung nanamnamin ang makabuluhan at masayang kasaysayan ng paggawa nito”, ito ang bahagi ng panimulang salita ni Angelo Mendoza, Chair Person ng isinagawang savor Lucena: Innovate and Explore the Local Flavors Symposium kamakailan.
Sa tulong ng mga eksperto sa larangan ng pagluluto, mahigit sa 400 partisipantes mula sa iba’t ibang institusyon at establishmento sa lungsod at mga karatig bayan ang nabigyan ng pagkakataon na magkaroon ng dagdang kaalaman hinggil sa mayamang kultura at sarap ng pagkaing Lucenahin.
Ayon kay Alfonso Ranido, founder ng Allliance of Culinary Advocates Lucena, layunin ng kanilang samahan na maisabuhay at maipagpatuloy ang pagpapayabong sa susunod na mga tagapagmana ng mayamang herensya at kulinarya sa lungsod.
Dagdag pa nito, ang mga pamanang lutuin gaya ng alang-ang, sinaludsod, tinapa, at chami ay sumisimbolo sa dedikasyon at pagsusumikap ng mga taong nasa likod ng mayamang kultura nito.
Naniniwala rin si Ranido kailangang tuklasin at mas pagyamanin pa ang mga pamanang lutuin upang matulungan ang lungsod na mas makilala hindi lamang sa larangan ng turismo kundi pati na rin sa larangan ng kulinarya.
Kaugnay nito, nagpahayag ng pasasalamat ang buong asosasyon sa lokal na pamahalaan lalo’t higit kay Mayor Dondon Alcala at City Tourism Officer Arween Flores na nagbigay ng suporta upang sa kauna-unahang pagkakataon ay maitatag ang asosasyon at maisagawa ang naturang aktibidad.
Inaasahan rin ng samahan na magtutuloy-tuloy ang mga pagsuporta ng pamahalaang panlungsod sa mga susunod pang kaparehas na aktibidad upang makatulong sa pagsusustena ng turismo sa lungsod. (Pio Lucena/C.Zapanta)
No comments