September 7, 2019 SK Federation President Councilor Patrick Norman Nadera LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - Sa loob ng mahigit sa isang tao...
SK Federation President Councilor Patrick Norman Nadera |
LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - Sa loob ng mahigit sa isang taon ay ganap nang naibalik sa Sistema ng pamahalaan ang representasyon ng kabataan sa pamamagitan ng SK na pinamumuan ng mga batang lingkod bayan sa bawat barangay sa lungsod.
Bagamat maraming pumabor sa mandato ng konstitusyon na makiisa ang mga kabataan sa pamamahala, may ilan pa ring nagpahayag ng pagtutol sa ideya na muling magkaroon ng representasyon galing sa naturang sektor.
Ngunit, isa sa ipinagmamalaking inihayag ni SK Federation President Councilor Patrick Norman Nadera na di naging hadlang ang mga nabanggit na usapin sa paghahain nila ng mga programang mas nakapagpalinang sa boses ng kabataan.
Sa inilahad nitong pribiliheyong pananalita sa nakaraang sesyon ng sangguniang panlungsod, ibinida nito ang pakikiisa ng kanilang pederasyon at ng bawat samahan sa barangay sa mga programang ibinababa ng lokal na pamahalaan para sa kapwa nila kabataan.
Dagdag pa nito, muling naging aktibo ang pagsusulong ng mga programa sa mga ito sa ilalim ng iba’t ibang aspeto tulad ng pampalakasan, kalusugan, pangangalaga sa kalikasan at marami pang iba.
Bukod sa mismong ibinibaba ng SK, nagiging katuwang din sila ng sangguniang barangay sa inilalapit nitong mga aktibidad para sa mga kabataan partikular na sa larangan ng edukasyon at ang kampanya laban sa iligal na droga.
Ayon pa kay Nadera, ang lahat ng mga nabanggit na ito ay makikita sa pinagsama-samang resulta ng mga proyekto at Gawain na ipinakita ng mga lider-kabataan sa loob ng pagdiriwang ng nakaraang linggo ng kabataan sa lungsod. (PIO-Lucena/M.A.Minor)
No comments