by Ruel Orinday, PIA-Quezon August 31, 2019 SAN ANDRES, Quezon - Mahigit 200 mga residente ng Barangay Pansoy sa bayang ito na pawang mg...
PIA-Quezon
August 31, 2019
SAN ANDRES, Quezon - Mahigit 200 mga residente ng Barangay Pansoy sa bayang ito na pawang mga benepisyaryo ng 4Ps program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang nakiisa sa malawakang paglilinis o coastal clean-up sa baybaying dagat ng barangay noong noong Agosto 22.
Sinabi ni Catanauan Community Environment and Natural Resources Officer Joselito Barros na ang programa ay idinaos ng kanilang tanggapan sa pakikiisa ng lokal na pamahalaan ng San Andres at ng pamahalaang barangay ng Pansoy.
Ayon kay CENRO Barros, layunin ng coastal clean-up na mapangalagaan ang mga marine resources at nagpapasalamat siya sa mga 4Ps beneficiaries na nakiisa sa paglilinis ng tabing dagat ng nasabing barangay.
“Sa pamamagitan ng coastal clean-up, hindi malalason ang mga isda at iba pang mga yamang dagat, bukod dito, marami ding isdang mahuhuli ang mga mangingisda kung malinis ang karagatan,” sabi pa ni Barros.
Kaugnay nito, ang CENRO Catanauan at pamahalaang bayan ng San Andres ay nagsagawa din ng malawakang paglilinis at mangrove planting sa baybaying dagat ng Barangay Mangero. May 300 benipisyaryo rin ng 4Ps ang nakiisa sa pagtatanim.
Ang pagtatanim ng mangrove sa Barangay Mangero at coastal clean-up sa Barangay Pansoy ay kaalinsabay sa idinaos na media exposure trip ng DENR-4A sa mga piling protected areas sa lalawigan ng Quezon. Nakiisa rin ang mga dumalong mamamahayag sa nasabing mga aktibidad.
No comments