September 14, 2019 LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - Sa kabila ng pagsusumikap ng City Health office na mabigyan ng sapat na impormasyon ang pub...
LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - Sa kabila ng pagsusumikap ng City Health office na mabigyan ng sapat na impormasyon ang publiko upang labanan ang nakamamatay na sakit na dengue, tila hindi ito sapat dahil patuloy pa rin umano ang pagdami ng kaso ng naturang sakit sa lungsod.
Dahil dito, nagpahayag ng pagsuporta ang Sangguniang Panlungsod pagdating sa paglalaan ng mga karagdagang midyum upang mas mapaigting pa ang pagpapakalat ng impormasyon kontra dengue ng nasabing ahensya.
Sa pagtatalakay kasi sa nasabing isyu, siniyasat ng kapulungan kung saang parte maaring nagkulang ang CHO. Sa kabila raw kasi ng pagsusumikap ng tanggapan na maibsan ang mga kaso ng dengue sa 5 pinaka malalaking barangay sa lungsod, tila ito at ito pa rin ang mga lugar na pinakang apektado taon-taon.
Bagaman nasa alert threshold lang ang estado ng lungsod, kung ikukupara sa datos na naitala ng tanggapan noong nakaraang taon sa kaparehas na panahon, tumaas ng nasa 25% ang kaso ng dengue ngayong taon.
Depensa naman ni Marites Parr, Vector Borne Desease Coordinator ng CHO, hindi nagkukulang ang kanilang tanggapan sa pag-papaalala at pakikipag-ugnayan sa mga opisyal ng barangay hinggil sa mga programa at aktibidad kontra dengue.
Giit pa nito, bagaman palagian nilang isinusulong ang mga programa para rito, kung wala umanong inisyatibo ang publiko upang mapigilan ang pagdami ng mga lamok,tila mawawalan rin ng saysay ang ano mang pagsusumikap na kanilang gawin.
Bukod sa pakikipag tie-up sa mga karagdagang midyum gaya ng radyo, telebisyon, at pahayagan, iminungkahi rin ng kapulungan na magsagawa ang nasabing tanggapan ng social media page upang mas marami ang magkaroon ng tamang kaalaman hinggil sa dengue mas maging epektibo ang pagpapakalat ng impormasyon sa publiko.
Pinayuhan naman ng CHO ang publiko na pairalin ang 4s kontra dengue o ang search and destroy breeding places, seek early consultation, self-protection measures, at say yes to fogging in times of impending outbreak. (Pio Lucena/C.Zapanta)
No comments