October 19, 2019 Matapos ilahad ng Lucena Disaster Risk Reduction and Management Council na ang Barangay Mayao Crossing ay kasama sa Top 5...
Matapos ilahad ng Lucena Disaster Risk Reduction and Management Council na ang Barangay Mayao Crossing ay kasama sa Top 5 barangays na mayroong high dengue cases, tuloy-tuloy ang pagsasagawa ng pamunuan ng mga programang makakatulong laban sa naturang isyu.
Sa pangunguna ni Kapitan Zosimo Macaraig katuwang ang lahat ng bumubuo ng pamunuang barangay, isinagawa ang misting operation sa Purok Atis na bahagi ng nabanggit na barangay.
Ito ay kasunod din sa panghihikayat ng Department of Health at City Health Office na paigtingin pa ng bawat lokal na pamahalaan ang pagpapatupad ng mga programa o kampanya laban sa sakit na Dengue na nakamamatay katulad ng misting system.
Ilan pa naman sa mga hakbanging tutugon sa naturang kampanya ay ang pagsasagawa ng fogging operation, regular na paglilinis ng kapiligiran at mga lugar na madalas pangitlugan o bahayan ng mga lamok tulad ng sirang gulong ng sasakyan, mga stagnant water at iba pa.
Patuloy pa rin naman ang panghihikayat ng pamunuang barangay sa kanilang mga lokal na residente na ugaliin ang paglilinis ng loob at labas ng bahay tulad ng alulod ng bahay, imbakan ng tubig na walang takip at kalimitang pinamumugaran ng lamok na nagdudulot ng sakit na dengue.
Magugunitang kabilang pa sa Top 5 barangay sa lungsod na may matataas na kaso ng dengue ay ang Ibabang Dupay, Gulang-gulang, Ibabang Iyam at Ilayang Iyam. (PIO-Lucena/M.A.Minor)
No comments