October 26, 2019 Nakatakdang maglabas ng bagong P20-coin ang Bangko Sentral ng Pilipinas sa taong 2020. Ito ang pahayag ni BSP Monetary ...
Nakatakdang maglabas ng bagong P20-coin ang Bangko Sentral ng Pilipinas sa taong 2020.
Ito ang pahayag ni BSP Monetary Board Felipe Medalla sa isinagawang 2019 Awards Ceremony and Appreciation Lunch for Stakeholders in Region IV na ginanap sa Occasions Garden, Lima Park Hotel sa bayan ng Malvar noong ika-11 ng Oktubre.
Sinabi ni Medalla, na nagsagawa ng pag-aaral ang BSP kung saan nakita ang P20 notes ang pinakagamit na perang papel kung kaya’t mas madali din itong maluma at masira.
“Ang bente pesos (P20) na perang papel ay siyang itnuturing na pinaka-in demand sa lahat ng perang papel na nagci-circulate sa atin kung kaya’t ito din ay itinuturing na pinakamadumi at pinamahunang notes. Napagdesisyunan ng BSP na gagawin na din itong coin dahil mas makatitipid sa production cost kapag ito ay ginawang barya. Bukod pa dito, maglalabas din ng bagong P500 at P1000 peso bill na may mas maigting na security features upang maiwasang mapeke ito,” ani Medalla.
Aniya pa ang P20 ay hindi maaaring mapagkamalan bilang P5-coin o P10-coin dahil mas malaki ang disenyo nito bukod pa sa dual color ito.
Samantala sa isinagawang awarding para sa mga BSP Stakeholders, binigyang-diin ng BSP na 2004 nila sinimulan ang pagkilala sa mga stakeholders na naging katuwang nila sa pag-circulate ng pera kagaya ng mga barya na kailangang makabalik sa BSP upang makabawas sa production cost at mga perang papel na gasgas na, luma na at kailangang maibalik upang mapalitan.
Maliban dito, kasama rin sa basehan ng BSP sa pagpili ng bibigyang pagkilala ang mga ahensiya at kumpanya na nagsasagawa ng survey on business expectations, consumers, information dissemination at credit surety fund.
Kabilang sa mga kinilalang ahensya at kumpanya ang Hamlin Industrial Corporation (NST Group of Companies) para sa Business Expectations Survey Outstanding respondent among Large and Medium Firms in Region IV, NEDA Calabarzon at MIMAROPA - Sources of Information Outstanding Partner for Report on Regional Economic Developments in Region IV A and B, SM City Lucena - Currency Programs of the BSP on Clean Note and Coin Policy Outstanding Regional Partner (Lucena Branch), Currency Programs of the BSP on Coin Recirculation Outstanding Regional Partner (Lucena Branch) - Philippine Statistics Authority Regional Statistical Services Office CALABARZON, Provincial Government of Palawan - BSP’s Advocacy on the Conduct of Public Information Campaigns Outstanding Regional Partner (Lucena Branch), at University of Rizal System - Knowledge Resource Network Outstanding Regional Partner (Lucena Branch). (BHABY P. DE CASTRO-PIA Batangas)
No comments