October 5, 2019 LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - Sa pagnanais na maging kabahagi ang lahat ng sektor ng mamamayan sa mga ibinababang programa n...
LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - Sa pagnanais na maging kabahagi ang lahat ng sektor ng mamamayan sa mga ibinababang programa ng bawat tanggapan ng lokal na pamahalaan, isinagawa kamakailan ang isang seminar para sa mga persons with disabilities.
Ang nasabing aktibidad ay inorganisa ng Cooperatives Division Office ng lungsod na pinamumunuan ni Nimfa Arias.
Naging katuwang din ng nasabing dibisyon ang mga bumubuo at opisyales ng Lucena Cooperative Development Council, samahan ng mga kooperatiba sa lungsod.
Naging partisipante naman dito ang mga managers, HR officers at representatives na ipinadala ng nasa pitumpong kooperatiba sa Lucena.
Sa pagsasakatuparan ng programa, naging resource speaker ang Chairperson ng SP Committee on Social Services at Committee on Cooperatives na si Konsehala Atty. Sunshine Abcede-Llaga.
Tinalakay dito ni Llaga ang ilan sa mga nilalaman ng Republic Act 9422 at Republic Act 7277, mga batas para sa natatanging sektor.
Gayundin ang nakapaloob sa PWD Code, lokal na ordinansa na ipinasa noong nakaraang taon sa inisyatibo na rin ni Llaga.
Magugunitang nasa ilalim ng Article II ng naturang code ang iba’t ibang sections na naglalaman ng mga programa para sa PWDs hinggil sa iba’t ibang aspeto katulad ng edukasyon, pagkakapantay-pantay, kalusugan, economic development at iba pa.
Sinundan naman ito ni Person with disability affairs officer in charge Cristy Fernandez na siyang naging pangalawang tagapagsalita, inilahad nito sa mga dumalo ang kasalukuyang kalagayan ng ng mga PWDs sa lungsod maging ang social responsibility na ginagampanan ng bawat isa para sa kanila tulad ng tama at pantay na pagtrato at pakikitungo.
Ibinahagi naman ni Angie Quesea ng NSKLLI ang kaniyang mga karanasan at motibasyong dala-dala sa kabila ng kanyang kondisyon, bagay na nagbigay inspirasyon sa mga partisipante.
Sa pagtatapos ng seminar, tinalakay ang mga bagay na makakatulong sa natatanging sektor sa tulong ng mga kooperatiba gayundin ang mga posibleng hakbang at partnerships ng dalawang nabanggit na panig. (PIO-Lucena/M.A.Minor)
No comments