by Carlo P. Gonzaga October 12, 2019 Pinagkalooban ng Komisyon sa Wikang Filipino ang Ulirang Guro sa Filipino kay Dr. Sharon Villaverde ...
October 12, 2019
Pinagkalooban ng Komisyon sa Wikang Filipino ang Ulirang Guro sa Filipino kay Dr. Sharon Villaverde ng Lopez National High School ng Lalawigang Quezon noong 1 Oktubre 2019 sa Pambansang Museo.
Kinilala ng natatanging ahensiyang pangwika ang pagtataguyod ni Villaverde ng mga programang pangwika sa loob at labas ng kaniyang paaralan.
Si Villaverde ay pasimuno ng PUNLA (Pagsasanay Tungo sa Pag-unlad ng Kasanayan sa Filipino) na naglalayong magpaunlad ng kahusayan ng mga guro sa pagsasagawa ng mga saliksik.
Layunin ng mga pagsasanay ng PUNLA na makapagluwal ng mga saliksik na mag-aambag sa sistemang edukasyon at magpapasigla sa pagsasaliksik ng mga guro gámit ang wikang Filipino.
Sa kaniyang kapasidad, naging aktibong kasapi at naglingkod siya sa mga samahan tulad ng Pambansang Samahan ng Advokasyon sa Wikang Filipino (PASAWAF) at Guro at Tagapagtaguyod ng Filipino sa Quezon (GATFILZON).
Mayroon siyang MAEd at MA sa pagtuturo ng Filipino mula sa Pamantasang Normal ng Filipinas. Nagtapos naman siya ng Doktorado sa Edukasyon mula sa University of Nueva Caceres, Lungsod Naga.
“Patuloy akong magbabahagi ng aking sarili sa iba, magiging instrumento,” sabi ni Villaverde. “Upang mapalaganap pa ang pagmamahal hindi lang sa wika, sa panitikan, kurikulum, gayundin sa pagpapalaganap ng kultura at wikang katutubo,” dagdag pa niya.
Nakasama ni Villaverde sa hanay ng mga Ulirang Guro sina Joshua Oyon-Oyon (Sorsogon National High School), Rodel Guzman (Isabela State University), Maria Eliza Lopez (Mariano Marcos State University), Niña Christina L. Zamora (Philippine Normal University), Julieta Cruz-Cebrero (JH Cerilles State College-Zamboanga Del Sur), at Rodello Pepito (Bukidnon State University).
Para sa taóng 2019, mayroong 139 nominasyon na natanggap ang KWF mula sa iba’t ibang pook sa Filipinas. (KWK/cpgPIA4A)
No comments