by Joy Gabrido October 5, 2019 Pagsasagawa ng Media Tour sa Rooftop Eco Center pagkatapos ng presscon. (Joy Gabrido, PIA4A) STA. ...
October 5, 2019
Pagsasagawa ng Media Tour sa Rooftop Eco Center pagkatapos ng presscon. (Joy Gabrido, PIA4A) |
STA. CRUZ, Laguna -Inihayag ni Community Environment and Natural Resources Officer (CENRO) Victor Mercado na bukas para sa lahat ng estudyante, mga lokal na pamahalaan, at mga mamamayan sa komunidad ang Rooftop Eco Center ng CENRO Sta. Cruz nang makapanayam ito ng mga lokal na media sa ginanap na presscon at media tour noong nakaraang ika-25 ng Setyembre.
Presscon kasama si CENRO Victor Mercado upang ipresenta ang Rooftop Eco Center ng kanilang opisina. (Joy Gabrido, PIA4A)
“Maglalagay po kami diyan ng pwedeng puntahan ng mga kabataan, tingnan ng mga mamamayan at ng mga local government na halimbawa,” ani Mercado.
Ipinaliwanag ni Mercado sa mga media at mga kinatawan mula sa ilang opisina ng pamahalaang panlalawigan kung ano ang layunin sa paglalagay ng eco center sa naturang gusali.
Aniya isang paraan ito upang magbigay halimbawa kung anong hakbang ang maaaring gawin upang mapangalagaan ang kalikasan. Isa rin itong alternatibong proyekto sa pagtatanim ng puno bilang kapalit sa pagpapahintulot nang pagpuputol ng puno.
Matapos ang presscon ay ipinakita sa media ang Rooftop Eco Center na may mga tanim na gulay at halaman sa paso, mayroon ring nakatanim sa mga lumang sapatos, lumang laruan, at sirang electric fan.
Mayroon ding hydroponics kung saan ang tubig na ginagamit na pandilig sa tanim ay may mga buhay na isda at ang dumi nito ang nagsisilbing pataba sa mga pananim.
Makikita rin sa eco center ang iba’t ibang uri ng compost at ang pamamaraan ng vermicomposting kung saan inaalagaan ang mga bulate at ang dumi nito ay nagiging pataba rin sa lupa.
Naglagay rin ng Material Recovery Facility (MRF) kung saan ginagawa ang waste segregation.
Ayon kay CENRO Victor Mercado, maaaring mag-walk-in ang mga mag-aaral, LGU at mga mamamayan para mabisita, mapag-aralan, o kaya naman ay makahingi ng pananim mula sa eco center na ito.
Iminumungkahi naman niya na sumulat nang pormal lalo na ang mga paaralan upang mapaghandaan at makapagtalaga sila ng maaring maging tour guide ng mga bibisita. (Joy Gabrido/PIA4A)
No comments