October 19, 2019 Pagkakaroon ng pantay na karapatan, programa at benepisyong ipinagkakaloob ng pamahalaan at patas na pakikitungo ng pamay...
Pagkakaroon ng pantay na karapatan, programa at benepisyong ipinagkakaloob ng pamahalaan at patas na pakikitungo ng pamayanan na walang halong diskriminasyon. Ilan lamang ito sa mga isinusulong ng mga Lucenahing bahagi ng LGBTQ sector o ang lesbian, gay, bisexual at transgender community na ninanais nilang makamtan tulad ng ibang Lucenahin.
Kaugnay nito, malugod na inilahad ni Konsehal Patrick Norman Nadera bilang pangulo ng Sangguniang Kabataan Federation ang pakikiisa at pagsuporta ng kanilang pederasyon sa adhikaing ito ng mga Luenahing nasa sektor ng LGBT.
Sa inilahad nitong pribilehiyong pananalita sa sangguniang panlungsod sesyon kamakailan, binigyang buhay nito ang pagdiriwang ng National Pride Month ngayong buwan ng Oktubre.
Aniya, unang isinilebra ang okasyon noong taong 1994 at nitong 2009 naman nang ideklara ni dating US President Barack Obama ang buwan ng Oktubre bilang National LGBT History month, sa pagnanais na humikayat ng mga mamamayan na maging bukas sa kasaysayan ng LGBT at ng mga nararapat na karapatan para sa kanila.
Bagamat ipinagdiriwang din ang Pride month sa bansa tuwing buwan ng hunyo bilang paggunita naman sa naganap na stonewall riots.
Dagdag pa nito, ang nabanggit na commemorative month ay hindi lamang para sa pagsuporta sa karapatang isinusulong ng mga ito bagkus ay bilang pagkilala rin sa mga naiambag ng mga ito sa kasaysayan mapa lokal man, nasyunal o internasyunal.
Isang halimbawa na dito ay pagdating sa pamumuno at pagiging lingkod bayan. Sa kasalukuyan aniya, halos nasa kalahati ng miyembro ng SK Federation ang bahagi ng LGBT sector. Marami pa rin umanong namamayagpag at sikat sa kani-kanilang mga piniling larangan.
Ayon pa kay Nadera, ang SK Federation ay patuloy sa paglulunsad ng mga programa para sa nabanggit na sektor. Gayundin ang mga aktibidad na may kinalaman sa “gender equity and equality”.
Sa huli, isang mensahe ang iniwan nito para sa mga mamamayan. Aniya, “pag-unawa at pagsuporta, at hindi pagkutya ang dapat na ituring at iparamdam ng mga ito sa mga bahagi ng LBGBT community”. (PIO-Lucena/M.A.Minor)
No comments