November 16, 2019 (Twitter) LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - Tuwing buwan ng Nobyembre ng bawat taon ay ipinagdiriwang sa bansa ang Nationa...
(Twitter) |
LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - Tuwing buwan ng Nobyembre ng bawat taon ay ipinagdiriwang sa bansa ang National Children’s Month bilang pagpapaalam sa mga mamamayang Pilipino ng karapatan at kahalagahan ng isang kabataan sa lipunan.
Gayundin naman ay taunang nakikiisa ang pamahalaang panlungsod ng Lucena katuwang ang City Social Welfare and Development Office sa pagsasagawa ng programa patungkol sa naturang selebrasyon.
Sa pagiging host ng tanggapan ng CSWD kamakailan sa regular na flag raising ceremony ng lokal na pamahalaan, inilahad ng Officer in charge nito na si Malou Maralit ang mga inihanay nilang aktibidades para sa “Buwan ng Kabataan”.
Kaisa umano ng tema ngayong taon na “Karapatang Pambata: Patuloy na Pahalagahan at Gampanan Tungo sa magandang kinabukasan”, magkakaroon ng ilang patimpalak para sa mga kabataan na kung saan ay kanilang maitatampok ang kanilang talento’t kakayahan kabilang na ang singing contest at drawing contest na nakatakdang isagawa sa darating na ika-dalawampu’t siyam ngayong buwan sa covered court ng Brgy. Cotta.
Kasabay nito ay isasagawa rin ang culminating activity sa pamamagitan ng isang motorcade mula sa Pacific Mall papunta sa Brgy. Cotta, na siyang susundan naman ng dance contest at parlor games. Sa darating na ika-tatlo hanggang ika-anim ng Disyembre ay nakalatag ang accreditation and licensinng ng natitirang labintatlong child development workers and child development centers.
Pahayag pa ni Maralit, pinaplano rin ng kanilang tanggapan na bigyang daan ang 18-day campaign to end violence against women, mula ika- dalawampu’t lima hanggang ika-labindalawa ng susunod na buwan, sa pamamagitan ng VAW Desk officers sa bawat barangay.
Patuloy naman ang pagpaplano ng ahensya ng iba pang mga programa, di man na maging bahagi ng National Children’s Month celebration pero para sa kapakan ng mga kabataan tulad ng pagdidisimina ng mga kagamitang naglalaman ng karapatan ng mga kabataan tulad ng orange icons, promotional shirts at iba pa.
Gayundin ang pag-oorganisa ng gender sensitivity trainings sa lahat ng VAW Desk Officers at barangay employees nang sa gayun ay mas malaman pa nila ang nakapaloob sa mga batas para sa kabataan at kababaihan.
Ang lahat ng mga nabanggit ay ilan lamang sa inaasahan at pinaplanong programa para sa mga kabataang Lucenahin, mga programang makakapagpaalam sa karapatan at benisyo ng mga kabataan pati na rin ang pagpapakita ng kanilang naiaambag sa lipunan sa iba’t ibang aspeto partikular na sa pampalakasan, pakikipagtagisan ng talento at akademiko. (PIO-Lucena/M.A. Minor)
No comments