By Lolitz Estrellado November 30, 2019 BATANGAS CITY - "Una po nating aayusin ang mataas na bilang ng insidente ng mga vehicular acc...
November 30, 2019
BATANGAS CITY - "Una po nating aayusin ang mataas na bilang ng insidente ng mga vehicular accidents dito sa lunsod ng Batangas. Sa palagay ko, ito ay bunsod ng kakulangan sa disiplina."
Ito ang sinabi ng bagong talagang Batangas City Police Chief na si Lt. Col. Julius Añonuevo, nang kanyang pormal na ipakilala ang sarili bilang bagong talagang hepe ng Batangas City PNP.
Sa kanyang talumpati, binanggit nito ang mga bagay na nakita niya at gayundin, ang mga nais niyang isagawa upang lalong mapaunlad ang lunsod pagdating sa seguridad at kapayapaan.
"Mababait ang mga pulis dito. Mababait ang mga taga-Batangas. In my two-week stay here, lumabas na ako ng gabi at madaling araw, tahimik po. Tahimik ang Batangas City," pahayag nito.
Naging panauhin si Añonuevo sa regular session ng Sangguniang Panlunsod nitong nakalipas lang na Lunes, Nobyembre 25, at kanya ring sinabi na tututukan niya ang pagbibigay ng edukasyon sa mga drayber lalo na sa mga nagmomotor.
"Pagbubutihan din po natin at paiigtingin ang disiplina sa kapulisan alinsunod sa programa ni Regional Director Vicente Danao, Jr. kung saan ang serbisyo ng mga pulis ay inaasahang makikita at mararamdaman ng mga tao. Rest assured that all the undertakings you are doing now will be supported by the Philippine National Police particularly Batangas City Police Station under my leadership," dagdag na paliwanag pa ni Añonuevo.
Sa kabilang dako, nagpahayag naman ang mga konsehal ng mga problemang maaaring pagtuunan ng pansin ni Añonuevo tulad ng illegal gambling, traffic, motorcycle accidents, rugby boys at pagdayo ng mga cultural minorities.
"Asahan po ninyo na ang lahat ng inyong sinabi ay pipilitin kong solusyunan," pangako ni Añonuevo.
No comments