by Lolitz Estrellado November 16, 2019 Mayor Gristeta "Tita" Reyes Malvar, Batangas - Ang paghahatid sa bawat barangay ng...
November 16, 2019
Mayor Gristeta "Tita" Reyes |
Malvar, Batangas - Ang paghahatid sa bawat barangay ng mga pangunahing serbisyo ng pamahalaang bayan at ang patuloy pang pag-unlad ng Malvar ang siyang tinututukan ni Mayor Gristeta "Tita" Reyes simula nang siya ay muling iluklok ng mga Malvareños bilang kanilang alkalde nitong nakalipas na 2019 elections.
Sa isang ekslusibong panayam kay Mayor Reyes noong Lunes, masayang sinabi nito na patuloy ang pagsisikap ng kanyang administrasyon na maibigay ang mga basic services ng pamahalaang bayan sa kanyang mga nasasakupan, at maipagpatuloy ang pag-unlad ng Malvar, ganoon din ang mga nakaplano at nakalinyang programa na ipatutupad sa mga susunod na taon.
Noong mga nakalipas na taon hanggang sa kasalukuyan, maayos na naisasagawa ni Mayor Reyes ang kanyang executive agenda para sa pagsulong ng Malvar, sa pakikiisa at buong suporta ng sangguniang bayan sa pangunguna ni Vice Mayor Matt Louie M. Aranta na siyang presiding officer, mga hepe ng iba't-ibang tanggapan, mga kawani, mga pinuno ng iba't-ibang barangay at ng mismong mga Malvareños na matatag ang paniniwala at pagtitiwala sa kanilang masipag, magaling at mabait na Ina ng Bayan." Kabilang sa mga prayoridad ni Mayor Reyes ay ang kalusugan, kaayusan at kapayapaan ng bayan, edukasyon, kabuhayan ng mamamayan, kalinisan ng kapaligiran, turismo at pagpapalakas ng pasok ng imbestor o pagnenegosyo.
"Iyan naman ay nasimulan na natin noon pa at ngayon ay ating ipinagpapatuloy para naman matupad ang ating mga pangarap at adhikain para sa pag-angat at pag-unlad ng Malvar," pahayag ni Mayor Reyes na ayon mismo sa kanyang mga constituents ay larawan ng isang pinunong "MATINO NA, AY MAHUSAY PA" na binabanggit noon ni dating DILG Secretary Jess Robredo, ang yumaong husband ni Vice President Leni Robredo. Upang masubaybayan at mapangalagaan ang kalusugan ng mga Malvareños, particular ang mga bata, matatanda o senior citizens, at mga mahihirap na may karamdaman, sinikap niyang magkaroon ng tuloy-tuloy na serbisyo ang municipal hospital at sinigurong palaging may doctor kahit holiday, at nagdagdag din ng tao. Bukod sa financial assistance sa mga mag-aaral sa government universities tulad ng BSU, Polytechnic University at mga vocational schools, na ipinasa naman ng nakalipas na Sangguniang Bayan, nagkakaloob rin si Mayor Reyes pati na ng kanyang personal resources para makatulong sa edukasyon ng mga kabataan.
Tuloy-tuloy rin ang mahigpit na pagbabantay ng Task Force sa kapaligiran, laban sa polusyon at masigasig na pagpapatupad ng Solid Waste Management. Ang Malvar ay mayroong Material Recovery Facility (MRF) na malaki ang naitutulong sa maayos na pamamahala sa basura at pagpapanatili ng kalinisan ng bayan. Sa kasalukuyan, may mga pagsasanay na isinasagawa ang kanilang Kabalikat Center for Livelihood Program para sa mga gawaing mapagkakakitaan, at ito ay bukas sa sinumang nagnanais upang matulungan silang magkaroon ng kaalaman at kakayahan na magagamit sa paghahanap-buhay.
Binigyang-diin ni Mayor Reyes na sa susunod na mga taon ay sisikapin niyang maisagawa at madagdagan pa ang kanyang mga nakalinyang proyekto at mga programa; patuloy na maihatid sa mga tao, lalo na doon sa mga nasa malalayo at liblib na barangay, ang mga pangunahing paglilingkod ng pamahalaang bayan. Umaasa si Mayor Reyes na magiging matagumpay ang mga programa sa tulong at suporta ng lahat, at sa pagpapala ng Diyos.
No comments