by Ruel Orinday Novermber 2, 2019 LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - Sinabi ni Major Miguel T. Langcauon ng Bureau of Jail Management and Penolo...
Novermber 2, 2019
LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - Sinabi ni Major Miguel T. Langcauon ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP)-Lucena City sa kanyang pananalita sa isinagawang flag raising ceremony noong Oktubre 21 na halos tatlong dekada na nilang patuloy na itinataguyod ang mga programang magsusulong para sa kabutihan ng mga bilanggo.
“Bawat isa sa atin ay may responsibilidad. Kapag may time po kayo pasyal po kayo sa district jail at makikita niyo po ‘yung situation dun at ‘yung livelihood products na gawa nila. Layunin po ng Inmates Welfare and Development (IWD) na mabigyan ng sapat na kahandaan at pagsasanay ang ating mga kapuspalad na Persons Deprived of Liberty (PDL) kasama po naming diyan ang TESDA,” sabi ni Langcauon.
Dagdag pa niya, bumaba sa 635 ang bilang ng PDL na nakakulong sa piitan kumpara noong nakaraang taon dahil sa free bargaining at good conduct time allowance.
Ibinahagi din ni Langcauon ang pagpapatupad nila ng Greyhound Operation katuwang ang PNP at Bureau of Fire kung saan hinahadlangan ang pagpasok, pag-gamit at pagkalat ng mga kontrabando sa loob ng piitan upang mapangalagaan ang publiko, mga empleyado at mga PDL.
“Sa katunayan nakatanggap po kami sa PDEA ng certification na wala pong droga sa ating kulungan from 1st Quarter hanggang 3rd Quarter this year. Malaking hamon po ito sa amin kasi, alam naman po natin na talagang mayroon pa ring droga, but hindi po kami tumitigil na sugpuin po ito at hindi po naming hahayaan na magamit po ang kulugan natin na maging taguan. Sa atin pong jail, malinis po ang ating Quezon District Jail,” ayon pa kay Langcauon.
Dagdag pa ni Langcauon, nagkaroon sila ng isang rehabilitation training na tinawag na Katatagan Kontra Droga sa Komunidad (KKDK) na sa halip na dalhin sa Nueva Ecija ang isang PDL, puwede na silang sumailalim sa rehabilitation program sa loob mismo ng district jail.
Ang nakaraang Monday flag-raising ceremony ay pinangunahan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) bilang tampok sa taunang pagdiriwang ng National Correctional Consciousness Week noong Oktubre 21-27, 2019 na may temang, “Serbisyong May Malasakit at Kalidad, Alay sa Piitan at Komunidad” na may layuning maipadama sa mga kapuspalad na PDL na sila ay bahagi pa rin ng pamayanan. (Ruel Orinday-PIA-Quezon, may ulat mula sa Quezon PIO)
No comments