by Lolitz Estrellado November 2, 2019 Cuenca, Batangas - Ang bayan ng Cuenca sa ilalim ng administrasyon ni Mayor FAYE ENDAYA BARRETTO...
November 2, 2019
Cuenca, Batangas - Ang bayan ng Cuenca sa ilalim ng administrasyon ni Mayor FAYE ENDAYA BARRETTO, ay maituturing na isa sa pinakatahimik sa lalawigan ng Batangas. Mismong ang mga Cuenqueños ang nagpahayag ng ganitong obserbasyon at ayon sa kanila ay ipinagkakapuri nila ang bagay na ito. Sa isang ekslusibong panayam kay Mayor Endaya noong nakalipas na Martes, kanyang sinabi na ang Municipal Police Force at mismong mga mamamayan ay nagtutulungan upang mapanatili ang katahimikan at kaayusan ng bayan.
Ayon sa butihing punong-bayan, may mangilan-ngilan o bihira lamang major crimes ang nagaganap dittot at karaniwan ay mga dayo lamang ang gumagawa at hindi mga taga-Cuenca. Subalit ang mga ito ay mabilis malutas ng Cuenca PNP at katunayan ay nakakulong na ang mga sangkot sa krimen na noon pang mga nakalipas na taon nadakip at nasampahan ng kaukulang kaso
Binigyang-diin ni Mayor Endaya na ang mga Cuenqueños ay likas na mapapayapang tao, sumusunod at gumagalang sa batas, kaya naman maayos ang lahat at patuloy lamang silang lahat sa pagsisikap na mapaunlad pa ang kanilang bayan at maiangat ang ekonomiya nito, ganoon din ang antas ng pamumuhay ng mga tao.
Ayon pa rin kay Mayor Endaya, buhos naman at solido ang kanyang suporta sa puwersa ng kapulisan sa Cuenca, ganoon din ng buong sanngguniang bayan. Sinisikap umano ng pamahalaang bayan na masuportahan o matugunan ang mga pangangailangan ng Cuenca PNP upang maging epektibo ito sa pagtutupad ng tungkuling pagsugpo sa masasamang element ng lipunan at mapanatiling tahimik at maayos ang buong bayan.
“Ang peace and order ay isa sa mga factors na nakakaakit sa mga imbestor at namumuhunan upang mag negosyo dito, kaya naman tinututukan natin ito, bukod pa sa iba't-ibang programa ng ating panahalaang bayan," paliwanag pa ni Mayor Endaya. Ang kaayusan at katahimikan ng bayan ay napanatili umano ng kanyang namayapang ama na si dating Mayor Celerino Endaya noong mga nakalipas na taon at nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan.
No comments