November 16, 2019 Muling nakibahagi ang ilang barangay sa lungsod sa ginanap kamakailan na ikalawang serye ng Lupong Tagapamayapa Enhancem...
Muling nakibahagi ang ilang barangay sa lungsod sa ginanap kamakailan na ikalawang serye ng Lupong Tagapamayapa Enhancement Training o LUPET ng lokal na pamahalaan. Ito ay ginanap sa session hall ng sangguniang panlungsod sa Lucena City Government Complex.
Matatandaang ng naturang pagsasanay ay naisakatuparan sa inisyatibo na rin ng chairperson ng Committee on Laws, Rules and Human Rights na si Konsehala Atty. Sunshine Abcede-Llaga.
Kabilang naman sa mga naturang barangay ay ang Brgy. 9-11, Bocohan, Cotta, Domoit, Gulang-gulang at Ibabang Dupay.
Ang mga nasabing pamunuan ay nagpadala ng kani-kanilang lupong tagapamayapa members na namamahala sa kaayusan ng pamayanan.
Tinatayang nasa walumpo ang kabuuang bilang ng dumalo sa 2nd batch ng LUPET na nabigyan ng kaalaman hinggil sa iba’t ibang bagay na makakatulong sa kanila sa paggampan ng mandato na panatilihin ang kaayusan sa komunidad sa pamamagitan ng pagresolba sa mga pampamayanang kaso.
Nagsilbing resource speaker sa aktibidad sina Atty. Meyrick Andrew Oseña at Atty. Allan Lobo ng Integrated Bar of the Philippines-Quezon, at Eduardo Etcubañas, Court Mediator ng Philippine Mediation Center.
Ipinaliwanag naman ni LLaga ang layunin ng pagdaraos ng naturang pagsasanay para sa mga lupong tagapamayapa.
Sa pagsasakatuparan, nagpalitan din ng mga mungkahi at suhestyon ang bawat isa. Gayundin ay inilahad ng ilan ang kani-kanilang estratehiyang isinasagawa upang mas mapadali ang pagkakasundo sa pagitan ng dalawang panig na humaharap sa kanila sa barangay. At maging ang istilong ginagamit sa pagpapatupad ng brgy. Justice system na kung saan ay binabalanse, pinapakinggan ang panig ng bawat isa at walang pinapaburan nang walang sapat na ebidensya. (PIO-Lucena/M.A. Minor)
No comments