November 9, 2019 Bagamat hindi napasama sa isinagawa kamakailan na youth organization registration program workshop ng National Youth Comm...
Bagamat hindi napasama sa isinagawa kamakailan na youth organization registration program workshop ng National Youth Commission, maraming samahan na binubuo ng mga kabataan sa lungsod ang nagnanais na makibahagi pa rin sa YORP.
Isa na dito ang Supreme Student Council ng Dalaubhasaan ng lungsod ng Lucena na di nakadalo sa naturang aktibidad dahil sa programang kanilang inorganisa sa kanilang paaralan.
Sa naging panayam ng TV12 sa ilan sa mga opisyal ng pamunuan, inilahad ng mga ito ang pagnanais na makibahagi sa isa sa primerang programa ng Local Youth Development Council at ng SK Federation.
Matapos kasing makapagparehistro sa YORP, magpapasa ang mga ito ng kompletong dokumentong kinakailangan upang maakredita ng NYC bilang isang lehitimo at existing na organisayon na may adbokasiya para sa kabataan.
Sa kabilang banda, ayon kay Nicole Danielle Navarro, PIO ng DLL Supreme Student Council, malaki rin ang maitutulong ng pagkakabahagi nila sa programa di lang bilang kabataang namumuno kundi bilang mamamayan ng lungsod.
Para naman kay Kiara Arique, Vice President ng DLL Supreme Student Council, malaking porsyento ang naidaragdag ng pagkakaroon ng samahan ng mga organisasyon ng kabataan sa lungsod, para sa kagustuhan ng bawat isa na makatulong.
Ang mga organisasyon mapa school-based man o community-based na nakibahagi at makikibahagi sa YORP ay maaaring maging katuwang ng Sangguniang Kabataan sa paghahanay at pagbababa ng mga proyekto at programa para sa mga kabataang Lucenahin.. (PIO-Lucena/M.A.Minor)
No comments