November 9, 2019 Sa pagkakaroon ng eleksyon ng sangguniang barangay noong ika-labing apat ng buwan ng Mayo ng nakaraang taon, karamihan sa...
Sa pagkakaroon ng eleksyon ng sangguniang barangay noong ika-labing apat ng buwan ng Mayo ng nakaraang taon, karamihan sa opisyales ng pamunuan ay na reorganisa rin maging ang mga bumubuo ng lupong tagapamayapa.
Kung kaya’t isang aktibidad ang inorganisa ni Konsehala Atty. Sunshine Abcede-Llaga na siyang tumatayong chairperson ng Sangguniang Panlungsod Committee on Laws, Rules and Human rights para sa mga lupon ng bawat barangay sa lungsod upang mas mabatid ng mga ito ang iba’t iba pang kasanayan sa epektibong paggampan sa kani-kanilang mga tungkulin.
Ang naturang aktibidad ay tinatawag na Lupong Tagapamayapa Enhancement Training o LUPET na naglalayong maisailalim sa pagsasanay ang tatlong daan at tatlumpong miyembro ng lupon sa lungsod o tigsasampung miyembro bawat barangay.
Upang mas maging epektibo naman ang pakikilahok, hinati ang mga ito sa apat na batches at kamakailan nga ay inumpisahan na ang unang batch sa katauhan ng Barangay 1 hanggang Barangay 8.
Sa pagsasakatuparan ng unang pangkat, pinasimulan ito ni Konsehal Llaga sa pamamagitan ng isang mensahe na sinundan naman ng representante ni Mayor Dondon Alcala na si Executive Assistant IV Joe Colar.
Tinalakay naman ni Atty. Rodrigo Domingo ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) - Quezon ang nilalaman ng Katarungang Pambarangay o RA 7160.
Para naman sa usapin hinggil sa Lupong Tagapamayapa Incentive Awards o LTIA, ito ay inilahad ni Don Ayer Abrazaldo, Senior Staff, DILG – Lucena.
Bilang pagtatapos binigyang pansin ni Eduardo L. Etcubañas, Court Mediator ng Philippine Mediation Center ang ilang Pointers ng Mediation Techniques.
Sa huli, natapos ng matagumpay ang aktibidad at inaasahan na magagamit ng lahat ng mga dumalo ang kanilang natutunan para sa mas maayos at epektibong paglutas ng mga kaso sa loob ng kanilang komunidad na siyang pangunahin nilang mandato bilang lupon. (PIO-Lucena/M.A.Minor)
No comments