Kape at Brandy by Sonny T. Mallari November 16, 2019 Whoa! Seryoso ka??? Ito ang mabilis na reply ko sa morning private message chat n...
by Sonny T. Mallari
November 16, 2019
Whoa! Seryoso ka???
Ito ang mabilis na reply ko sa morning private message chat namin ni Nimfa Estrellado, ang boss tsip ng Sentinel Times, two weeks ago nang imbitahan niya akong magkolum sa pahayagang ito na matagal ko nang hinahangaan. Updated at balanse kasi ang news reports ng mga beteranong reporters. Astig ang mga kolumnista. Maganda ang print layout at online version. Itinuturing ko ang ST na numero uno sa mga weekly peryodiko sa lalawigan ng Quezon at buong Southern Tagalog. Kaya naman isang malaking karangalan para sa sinumang peryodista ang maanyayahan na magsulat ng kolum sa ST. At puwede rin daw na magsubmit ako ng balita. Ayos!
Matagal na panahon na rin naman akong hindi nagsusulat sa lokal na diaryo. Sumubsob na lang ako sa mismong trabaho ko bilang correspondent ng Philippine Daily Inquirer. Going 22 years na ako sa national paper plus another eight years before that sa lokal na pahayagan sa lalawigan ng Quezon bukod pa sa pagiging radio-TV reporter, program host noon sa Channel 8, the first broadcast TV station sa Southern Tagalog na nakabase dati sa Lucena City.
Last year ay bumalik muli ako sa radio-TV as one of the hosts ng “Tropang Etsetera”, simulcast sa Channel 6 at 8 at 95.1 Kiss FM (Monday to Friday - 5 to 6 a.m.) na nagmumula sa Tayabas City. Karelyebo ko rito si Tropang Ylou Dagos, isang batikang reporter ng dzMM at writer din sa national tabloid.
At sa buong panahon ko bilang bahagi ng Inquirer, noon ay sinasakop ko ang buong Southern Tagalog pero ngayon ay Quezon-based na lang. Senior citizen na kasi ang peryodistang promdi. Ayaw na akong payagan ng esposa na magbiyahe ng solo. Nadadapa na kasi ako sa paglalakad minsan lalo na kapag may hinahabol ako ng tingin na magandang anak ni Eba. Nasapok nga ako minsan ni kumander. Ha ha ha!
Now, ano ang motibasyon ko sa pagsusulat ng kolum?
Simple: gusto ko lang makapag-ambag kahit konti sa pagmumulat at pagtataas ng kamalayang panlipunan sa sinumang mambabasa. Gusto ko ring magpatawa, magsermon na parang pari, magpatulo ng luha at magpataas ng dugo sa galit dahil sa paglapastangan ng mga nasa poder ng kapangyarihan sa karapatan ng mga mamamayan at pagyurak sa kanilang dangal bilang tao. Pero hindi upang magmura lang sila ng mga “putang ina!” at “punyeta!” manapa’y para itulak ang mga biktima na kumilos para baguhin at wakasan ang umiiral na kawalang-katarungang sitwasyon.
Ang tanging sandata ko lang dito ay ang mga personal kong karanasan at kaaalaman resulta ng aking pagiging peryodista, radio-TV broadcaster at numero unong usyusero at usisero - ang prinsipal na opisyo ng sinumang taga-Inquirer.
Ibabahagi ko rin kung ano ba ang mga mumunting totoong pangyayari sa likod ng mga nagbabagang balita na kadalasan ngayon ay pinupulot na lang sa social media partikular sa Facebook na kung hindi mo masusing pag-aaralan ang bawat post at ang kung sino ang nagpost ay malamang na madenggoy ka ng mga bumabahang pekeng impormasyon.
Ilalatag ko rin dito kung paano ba sisilipin at aanalisahin ang mga nagaganap na tunggalian at nagsasalpukang interes sa ating paligid lalo’t higit kung paano buburlesan ang mga diyos-diyosang pulitiko lokal man o nasyunal. Bagama’t pumupuri rin naman ako sa sinumang matapat na naglilingkod sa pamahalaan lalo na kung talagang nararapat lang na palakpakan.
Pagtsitsismisan din natin dito ang mga nakakasuka at ipokritong postura ng mga alipores ng sinumang nakaupong pulitiko na minsan ay mas garapal pa sa kanilang mga amo sa pagyayabang ng kanilang mga kuwestyonable o sa mas direktang tumbok – ay mga kayamanang dinekwat nila sa kaban ng salapi ng pamahalaan na galing naman sa bulsa ni Juan de la Cruz bilang buwis. Itago at itago mo man yan o ipangalan kaya sa mga kapamilya mo, darating at darating ang panahon na mabubuyangyang din yan. Itaga mo yan sa bato.
Pero walang dapat ipag-alala ang mga tinatamaan. Huwag kayong nenerbyusin. Hindi ko naman style na gamitin ang aking kolum sa anumang personal trip. Sabi nga ng aking paboritong barbero: “trabaho lang, walang personalan”.
Pero kapag talagang bulgaran at garapalan na, pumipitik din ako paminsan-minsan para ipagtanggol naman ang interes ng mga mamamayan na umaasa ng matapat na paglilingkod mula sa mga inihalal nilang pulitiko at hindi para pagnakawan lang kasabwat ng kanilang mga masisibang tsuwariwap.
Opps! Joke lang ito.
Pero…isa rin itong babala.
Peksman!
No comments