By By Sentinel Times Staff December 7, 2019 GUMACA, QUEZON – “Sumisipol ang hangin” ganito ilarawan ng mga Gumaqueño ang bumubugsong la...
December 7, 2019
GUMACA, QUEZON – “Sumisipol ang hangin” ganito ilarawan ng mga Gumaqueño ang bumubugsong lakas ng hangin na dala ng Bagyong Tisoy na nanalasa sa Bayan ng Gumaca noong ika-3 ng Disyembre 2019.
Isa ang Gumaca sa naapektuhan ng Bagyong Tisoy na sumailalim sa tropical cyclone wind signal number 3. Natuklap ang ilang bahagi ng bubong ng mga kabahayan, napinsala naman ang mga bahay na yari sa magagaan na materyales tulad ng pawid, kawayan at kahoy, lumubog naman sa tubig ang mga bahay na nasa mababang lugar at natumba ang ilang mga puno sa lansangan.
Bago pa man tumama ang Bagyong Tisoy ay pinalikas na ang mga residenteng naninirahan malapit sa dagat, ilog at sa mababang lugar.
Nagsilbing evacuation center ang mga bahay-nayon at paaralan. Karamihan sa mga bakwit ay kusang lumikas dahil na rin sa panganib ng daluyong o storm surge na posibleng umabot hanggang 3 metro.
Madaling araw hanggang umaga ng Disyembre 3, 2019 ang kasagsagan ng paghagupit ng Bagyong Tisoy. Nakaalerto at tumutugon sa tawag ng saklolo ang Pamahalaang Bayan ng Gumaca kasama ang mga unipormadong hanay ng Pamahalaan gamit ang mga heavy equipment ay inalis ang mga nakahambalang poste at puno sa mga daan. Mabilis na nakakaresponde ang mga ambulansya sa mga nangangailangan ng medikal na atensyon. Gamit naman ang mga sasakyan ng pamahalaan ay tinulungan sa paglikas ang mga residenteng tuluyan nang nasalanta ng bagyo.
Ang matinding paghahanda sa pagtama ng bagyo ay isinagawa ng Pamahalaang Bayan ng Gumaca sa pangunguna ng kanilang Punong Bayan Webster D. Letargo, Pangalawang Punong Bayan Erwin P. Caralian, Sangguniang Bayan, pamunuan ng barangay at barangay tanod, MDRRMO-KALASAG at GTMO sa pangunguna ni Jefferson Uy at mga kawani ng Pamahalaang Bayan ng Gumaca.
Lalong tiniyak ang kaligtasan ng mga Gumaqueño katuwang ang 85th Infantry Sandiwa 1st Batallion ng Philippine Army sa pamumuno ni Lt. Col. Emmanuel Cabahug, Army Reservist sa pamumuno ni 1st Lt. Jesus D. Montecillo, Philippine National Police sa pamumuno ni PMaj. Rodelio M. Calawit, Bureau of Fire Protection sa pamumuno ni OIC SPO4 Oscar V. Aguila IV at ang Kabalikat Brigade.
Nagbigay lunas naman sa mga may karamdamang naapektuhan ng bagyo ang Rural Health Unit sa pangunguna ni Dra. Marite Soriano, at sa Gumaca District Hospital. Nakaalalay din ang Kalinga Center at ang Municipal Social Welfare and Development Office sa pamumuno ni Gng. Nancy Anacion.
Lubos namang nagpapasalamat ang Pamahalaang Bayan ng Gumaca kina Gobernador Danilo Suarez, Kinatawan ng ika-4 na Distrito Angelina Tan, Kinatawan ng ika-3 Distrito ng Quezon Aleta Suarez, ALONA Partylist, Sangguniang Panlalawigan, DSWD-Quezon Province sa kanilang taus pusong pag-abot ng tulong at pagbahagi ng relief supplies sa mamamayan ng Gumaca.
Bagama’t napinsala ang Gumaca ay napanatili pa rin nito ang zero casualty sa bayan. Pagkatapos manalasa ng Bagyong Tisoy ay dahan-dahan na ring naibalik ang daloy ng kuryente sa ilang bahagi ng bayan.
No comments