By Lyndon Gonzales November 30, 2019 Pamamahagi ni Ms. Julie Cox ng Julie Cox Love Mission ng kaniyang munting handog para sa mga kat...
By Lyndon Gonzales
November 30, 2019LUNGSOD TAYABAS - Ang pagtulong sa kapuwa ay hindi nakabase sa kasarian, edad, o maging status sa buhay. Ito ay maaaring gawin ng sinuman; mayaman man o mahirap, may katungkulan man sa pamahalaan o pangkaraniwang mamamayan lamang.
Pinatunayan ito ng isang pilantropo na si Bb. Julie Jox. Sa pamamagitan ng Julie Cox Love Mission na isang Non-Profit Organization kasama ang 1st Infantry Batallion, Phil. Army at Oplan Sagip Tulay (OST) Tayabas Heritage Group INC. ang nagtulong-tulong upang mabigyang kasiyahan ang mahigit isandaang katutubong Aeta sa Brgy. Tongko, Tayabas City. Ang Outreach Program Kuwentong Pamana ay may temang “Celebrating and Empowering Heritage of Creative Communities.” Layunin ng Kuwentong Pamana na maipagpatuloy at hindi malimutan ang mga kaugalian, tradisyon at kultura ng mga katutubong Aeta sapagkat sila ang pinagmulan ng lahing Pilipino.
Sa pagdiriwang ng kaniyang kaarawan, ninais niyang mas makasama ang mga Indigenous People (IP) kaysa magdiwang ng isang magarbong party. Sa pamamagitan ng pagpapakain at pamimigay ng ilang nilang pangangailangan sa buhay ay nakatutulong si Cox sa kapuwa niya Pilipino. Namigay rin siya ng mga tsinelas sa mga batang Aeta.
“Nabigyan ako ng pagkakataon na gumanda ang buhay. Nasabi ko sa aking sarili na magbabahagi ako sa aking kapuwa. Tayo ay hindi lamang nabubuhay sa musika ng simbahan. Walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang. Ang buhay ko ay may purpose. Hindi ako nabubuhay ng gigising lamang sa umaga at magtatrabaho. Natagpuan ko ang purpose sa aking buhay sa pamamagitan ng pagtulong sa mga taong challenge ang buhay. Ito ay isang Random Acts of Kindness at pangatlong beses ko na itong ginawa sa pamamagitan ng feeding at gift giving. Ako ay naging bahagi ng Quezon Medalya ng Karangalan 2014 at isa ding manunulat ng aklat. Isa sa mga adbokasiya ko na maipagpatuloy ang pagbibigay ng inspirasyon sa mga tao,” wika ni Cox.
Samantala, sa panayam ng Sentinel Times kay Ronnie Magtibay, IP Tribal Governor ng Quezon Province, inilahad niya ang hinaing ng mga katutubong Aeta. Sinabi ni Magtibay na sana ay mabigyan ng magandang serbisyo ang pamayanan. Sapagkat ang ibang kasamahan ay hindi naman nakapag- aral at walang kakayanan sa buhay ngunit may kakayahang maging isang lider, ay sila na ang gumagawa ng tungkulin ng National Commission of Indigenous People (NCIP) dito sa Lucena na dapat ang ahensiya ang gumagawa ng paraan upang ang mga katutubo ay matulungan.
“Kami naman ay natutuwa sa serbisyo ng pamahalaang panlalawigan sapagkat sa Serbisyong Suarez, ang mga katutubo ay nabigyan ng magandang serbisyong medikal. Sa tuwing magkakasakit ang mga kapatid nating katutubo ay libreng naa-admit sa hospital. Gayundin, may planong Housing Project ang Local Government Unit (LGU) Tayabas para sa mga katutubo at kung ito man ay matuloy ay lubos ang aming pasasalamat kay Mayor Ernida Reynoso,” dagdag ni Magtibay.
Ipinahayag din ni Magtibay ang kaniyang saloobin ukol sa pagtatayo ng Kaliwa Dam. Sinabi niya na sa pagtatayo ng Kaliwa Dam para na rin nilang itinaboy ang mga Dumagat at wala namang ibinibigay na relokasyon ang pamahalaang lokal.
“Ang mga katutubong Dumagat ay humihingi ng tulong na maprotektahan ang kalikasan sapagkat sa pagtatayo ng Kaliwa Dam ito ay napakalaking perwisyo. Ang tubig ay tataas, guguho ang lupa at malaki ang magiging epekto nito sa hanapbuhay at pamumuhay ng mga kapatid nating katutubo,” hinaing ni Magtibay.
Ipinaabot naman ni Lieutenant Colonel Jesus T. Diocton, Battalion Commander ng 1st IB ang taos pusong pasasalamat sa mga stakeholders sa pagbibigay ng tulong sa ating mga kapatid na katutubo. Ito ay nagpapatunay na marami ang matutulungan sa pagkakaisa ng iba’t ibang sektor ng lipunan upang mapabuti ang kalagayan ng ating mga kapatid na katutubong Aeta sa Lungsod Tayabas. Dagdag pa nito, ang mga ganitong gawain ay nakapailalim sa deriktiba ng ating Pang. Rodrigo Duterte sa pagpapatupad ng Executive Order (EO) No. 70 na kung saan pinalalakas nito ang Whole-of-Government Approach upang makamtan ang pangmatagalang kapayapaan at kaunlaran upang matuldukan ang suliranin sa insurhensiya dulot ng mga teroristang CPP-NPA-NDF sa ating bansa.
Gayundin, lubos din ang pasasalamat ng OST Tayabas Heritage Group INC. kay Ms. Julie Cox at sa kaniyang Julie Cox Love Mission sa pag-aabot ng tulong sa mga katutubong Aeta. Nangako ang OST Tayabas na babalik sila Disyembre upang muling pasiyahin ang mga kapatid na katutubong Aeta.
Nabigyan naman ng pagkakataon ang mga bisita na masaksihan ang kultura ng mga katutubo. Nagpakitang gilas ang mga kababaihang Aeta sa pagsayaw sa saliw ng “Panikpikan Dance”, isang social dance ng mga katutubo. Bukod sa pamimigay ng pagkain at mga tsinelas, nagkaroon din ng palaro ng lahi para sa mga batang Aeta.
Sa pagtatapos ng programa, sinabi ni Cox na sa kaniyang pagbabalik sa Brgy.Tongko ay magkakaroon siya ng Immersion sa komunidad na kung saan tuturuan niya ang mga katutubo ng kalinisan at pagmamahal sa kalikasan. Sa planong Immersion ay magdadala siya ng mga sako na kung saan mag-iipon ng mga basura, plastik at bote ang mga katutubo at babayaran sila ng ₱100 kada sako ng mga basura at recyclable materials. Ipinaliwanag din niya sa mga katutubo na ang plastik ay isang libong taon bago matunaw. Pinayuhan din niya ang mga katutubo na pangalagaan at huwag magtapon ng mga basura sa ilog.
No comments