By Rachel Joy Gabrido December 21, 2019 Pagbibigay mensahe ni Asst. Regional Executive Director for Technical Services- Forester Artu...
December 21, 2019
Pagbibigay mensahe ni Asst. Regional Executive Director for Technical Services- Forester Arturo E. Fadriquela. (Photo by DENR Calabarzon) |
LUNGSOD NG CALAMBA, Laguna - Sa layuning maging katuwang ang pamunuang lokal sa pagpapatupad ng mga batas pangkalikasan, pinangunahan ng Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) Laguna ang isang Capacity Building Activity kamakailan.
Nagsama-sama ang may kabuuang 102 na mga opisyales ng barangay at mga Environment and Natural Resources Officer (ENRO) mula sa Lungsod ng San Pedro at mga lone legislative district ng Lungsod ng Santa Rosa at Biñan sa isang aktibidad para sa Capacity Building on Environment and Natural Resources Laws, Rules and Regulations na ginanap sa El Cielito Hotel, sa Lungsod ng Sta. Rosa noong ika-9 hanggang ika-10 ng Disyembre 2019.
Layunin ng aktibidad na palawigin ang kaalaman ng mga opisyal ng barangay at mga ENRO sa mga batas na pang-kalikasan lalo na sa mga probisyon kung saan mayroon silang direktang mandato kagaya ng Ecological Solid Waste Management Act, Clean Water Act, Clean Air Act, at Mining Act.
“Ang idea is to raise awareness on the various environment and natural resources laws para on the barangay level ay may makatulong ang DENR particularly PENRO LAGUNA na maimplement ang mga batas na ito,” sinabi ni Information Officer Kizza Cadulisas sa Philippine Information Agency Calabarzon.
Ayon kay Cadulisas, isang magandang akitibidad ito dahil naipaalam at naipaalala sa mga partisipante ang mga batas na may kinalaman sa pangangalaga sa kalikasan na dapat nilang mahigpit na ipatupad sa kani-kanilang nasasakupan.
Panawagan naman niya na sana ay hindi lamang ang mga opisyales at ENRO ang maging partner o katuwang ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa implementasyon ng iba’t-ibang batas at polisiya para sa pangangalaga sa kalikasan at likas na yaman, kundi maging ang mga ordinaryong mamamayan sa kani-kanilang lebel.
Sa mensahe naman ni Assistant Regional Executive Director for Technical Services na si Forester Arturo E. Fadriquela binigyang-diin niya, “Ang pagtutulungan natin ang isang solusyon na nakikita natin para hindi masira ang kalikasan, para ma-preserve ang ating resources, para pakinabangan natin ngayon at ng ating salinlahi.”
Aniya ito ang layunin at misyon nila sa kasalukuyan at sa mga susunod pang panahon. (Joy Gabrido/PIA4A with reports from DENR 4A and PENRO Laguna)
No comments