By Rachel Joy Gabrido December 7, 2019 Pamamahagi ni Laguna Gov. Ramil L. Hernandez ng mga tulong na bigas at mga pagkain para sa mga eva...
December 7, 2019
Pamamahagi ni Laguna Gov. Ramil L. Hernandez ng mga tulong na bigas at mga pagkain para sa mga evacuees. (Photo by Provincial Government of Laguna) |
CALAMBA CITY, Laguna – Agarang nagbigay ayuda ang Pamahalaang Panlalawigan ng Laguna sa mga nasalanta ng bagyong Tisoy na kasalukuyang tumutuloy sa iba’t ibang mga evacuation center sa probinsya.
“Patuloy na isinasagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Laguna sa pangunguna ni Gov. Ramil Hernandez ang pagbabahagi ng mga relief goods sa mga pamilyang naapektuhan ng bagyong Tisoy, gayundin nagsasagawa na ng inspeksyon at pagassess sa mga nasirang pananim sa buong Laguna,” sinabi ni Public Information Officer (PIO) Christopher Sanji sa Philippine Information Agency Calabarzon.
Sa pangunguna ni Gobernador Ramil L. Hernandez, kasama ang kanyang maybahay at Kongresista ng Ikalawang Distrito na si Kongresista Ruth Mariano-Hernandez, ay sinimulan kahapon ang pagbisita at pagbibigay ng mga pagkain o relief goods at bigas sa mga evacuees sa mga lugar kasama ang Lungsod ng Calamba kung saan nabiyayaan ng tulong ang 90 pamilya sa Barangay Palingon, 268 pamilya sa Barangay Dos, at 103 pamilya sa Barangay Paciano Rizal, gayundin sa Bae at Los Baños na bahagi ng ikalawang distrito.
Ngayong araw naman, nag-abot ng tulong ang pamahalaang panlalawigan sa mga nakalagak sa evacuation center sa ikatlo at ikaapat na Distrito at ang matitirang mga lugar na hindi mabibisita ngayong araw ay ipagpapatuloy hanggang bukas.
Ayon sa PIO ng Laguna, may sapat na pondo at palaging nakahanda ang Laguna sa mga ganitong kalamidad.
Sinabi naman ni Provincial Risk Reduction and Management Office Officer-in-Charge (PDRRMO OIC) Aldwin Cejo na sa ngayon, makalipas ang isang araw mula nang tumama ang bagyo ay nag-umpisa nang magsibalikan ang mga evacuees sa kanilang mga tahanan.
“Salamat po sa Diyos at hindi naman tayo naapektuhan nang husto sa dumaang bagyo,” aniya.
Dagdag pa niya, sa darating na Lunes, ika-9 ng Disyembre, muli silang magpapatawag ng pagpupulong kasama ang PDRRM Council upang magsagawa ng evaluation ng performance ng bawat isa nang sa gayon ay makita ang mga dapat pang idagdag sa mga aksyon ng bawat opisina sa oras ng sakuna. (Joy Gabrido/PIA 4A)
No comments