By Lolitz Estrellado December 28, 2019 TALISAY, BATANGAS - “Ang Republic Act 9255 ay isang batas na pinahihintulultan ang isang di-...
December 28, 2019
TALISAY, BATANGAS - “Ang Republic Act 9255 ay isang batas na pinahihintulultan ang isang di-lehitimong (illegitimate) anak na gamitin ang apelyido ng ama. Sinusugan nito ang Artikulo Bilang 176 ng Executive Order No. 209 ng Family Code of the Philippines.
Ito ang pambungad na paliwanag ni CYNTHIA PADILLA RAMILO, Municipal Civil Registry Officer o Municipal Civil Registrar (MCR) ng Talisay, Batangas, sa isang ekslusibong panayam dito kamakailan.
Ayon kay Ramilo, napakatagal na panahon nang umiiral ang nasabing batas para sa kapakanan ng mga batang di-lehitimo, subalit hanggang sa kasalakuyan ay marami pa rin ang hindi nakakaalam o nakakaunawa rito.
Ang RA 9255 ay nilagdaan bilang ganap na batas ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo noong Pebrero 24, 2004 at nagkaroon ng bisa noong Marso 19, 2004 labing limang (15) araw matapos ang publikasyon nito sa Manila Times at Malaya.
Ang mga alituntunin para sa pagpapatupad ng naturang batas (IRR) ay inaprobahan noong Mayo 18, 2004 at nagkabisa noong Hunyo 2, 2004 labing limang (15) araw matapos malathala ito sa pahayagang Manila Times.
“Ang batas na ito ay tumukoy sa lahat ng di-lehitimong anak na isinilang bago at pagkatapos na magkabisa at naging ganap na batas at sumasaklaw sa mga hindi pa nairerehistrong mga bata at iyong mga nakatala na ang kapanganakan na ang ginagamit ay ang apelyido ng ina. Para magamit ng illegitimate child ang apelyido ng ama, kailangan ang mga dokumentong makapagpapatunay na ang bata ay kinikilala ng ama tulad ng sinumpaang salaysay o affidavit of paternity na nasa likod ng talaan ng kapanganakan (COLB o Certificate of Live Birth), sulat kamay at pirmado na ama na hayagang pagkilala na siya ang ama ng bata,” dagdag na paliwanag pa ng masipag at mabait na MCR ng Talisay.
Sinabi rin ni Ramilo na ang Affidavit to Use the Surname of the Father (AUSF) ay gagamitin kapag ang pagkilala ng ama sa bata ay sa pamamagitan ng sulat-kamay ng ama o kung ang bata ay nakarehistro na gamit aang apelyido ng ina kahit na ito ay kinilala p hindi ng ama.
Para sa sariling sulat-kamay na pagkilala, dapat may iba pang supporting documents, kaya kailangang magsumite rin ng dalawa sa mga sumusunod : 1. Employment records 2. SSS/GSIS records 3. Insurance 4. Certificate of Membership sa alinmang Organisasyon 5. Statement of Assets and Liabilities 6. Income Tax Return.
Ang pagsang-ayon ng bata ay kailangan din kung ito ay nasa edad 18 taong gulang na pataas sa panahon ng pagkilala ng ama.
No comments