By Sentinel Times Staff December 28, 2019 Jose Rizal (Photo from BusinessWorld)...
December 28, 2019
Jose Rizal (Photo from BusinessWorld) |
LUNGSOD NG TAYABAS, Quezon - Gaano nga ba kilala si Jose Rizal? Si Rizal na itinuturing nating pambansang bayani. Si Rizal na nagbuwis ng kaniyang buhay para sa kalayaan ng ating bansa.
Sa pagsasalaysay ni Victor "Vim" Emmanuel Carmelo Nadera Jr., isang premyadong manunulat at propesor sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) sa isinagawang "Talakayang Rizal II, Si Rizal bilang alagad ng Sining" sa Lupa Hall, Tayabas City noong Disyembre 14 na dinaluhan ng mga estudyante, guro at mananaliksik ng kasaysayan na binuo ng Tuklas Tayabas Historical Society, aniya nahirapang manganak ang ina ni Rizal dahil sa may kalakihan ang ulo nang sanggol pa si Jose Protacio Rizal Mercado y Alonso Realonda o sa mas kilalang Dr. Jose Rizal. Si Donya Teodora Alonso ang sumubaybay sa panimulang edukasyon ng batang si Rizal. Dahil sa pagkakaroon ng maraming aklat sa bahay at paghikayat ng kaniyang mga magulang sa pag-aaral, lagi siyang nakakakuha ng markang sobresaliente o excellent kaya naman sa edad na 16 ay nagtapos siya ng kursong medisina at pilosopiya.
Si Dr. Jose Rizal ang sumulat ng mga tanyag na nobelang “Noli Me Tangere” at El Filibusterismo” na kung saan ipinapakita ang pagmamalupit ng mga Kastila sa mga Pilipino. Ito rin ang kaniyang naging sandata upang gisingin ang kamalayan ng mga Pilipino.
Ngunit lingid sa kaalaman ng marami, itinuturing si Rizal bilang Ama ng Pilipinong Komiks, at isa sa likha niya ang “Ang Pagong at Ang Matsing” na nailathala noong 1885. Bilang kabahagi ng artikulo na kaniyang isinulat ay gumuhit sa likod ng kuwaderno ni Paz Pardo de Tavera, kilala rin bilang asawa ng dakilang pintor na si Juan Luna, sa porma na maihahalintulad sa istilo ng mga komiks. Ang iginuhit na ito ni Rizal ay maituturing na isa sa pinakaunang Komik na nagawa ng isang Pilipino.
Si Rizal ay mahusay din sa larangan ng iskultura. Ilan sa kaniyang mga obra ang St. Paul The Hermit (1893) Mother’s Revenge (1894), at Oyang Dapitana (1894) na pawang yari sa clay at nilikha noong siya ay nasa Dapitan. Ang mga replika ng kaniyang obra ay makikita sa Fort Santiago.
Walang makapagsabi kung mahusay umawit ang ating pambansang bayani ngunit siya rin ay mahilig sa musika. Dahil sa kagustuhang maging mahusay sa larangan ng musika, nag-aral siyang tumugtog ng flute, solfeggio, at piano. Ilang mga awit sa kaniyang mga nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo ay mga likhang tula na nilapatan ng musika. Ilan sa mga sikat niyang komposisyon ay “Kundiman ni Rizal”, “Alin Mang Lahi” at “Leonor”.
Isang pangyayari sa kabataan ni Rizal kung saan naipamalas niya ang kaniyang husay sa pagpinta ay nang magpinta siya ng panibagong bandilang panrelihiyon gamit ang mga kulay na de-langis. Ayon sa kaniyang mga kabaryo, higit pang maganda ito sa kaysa sa orihinal. Nahasa ang kaniyang kakayahan sa pagpipinta dahil sa madalas niyang pagbisita sa istudyo ni Juan Luna sa Paris.
Nabansagan si Rizal bilang isang romantikong lalaki dahil sa siyam na babaeng napaibig niya; na nagngangalang Segunda Katigbak, Leonor Valenzuela, Leonor Rivera, Consuelo Ortiga, O-Sei-San, Gertrude Beckette, Nelly Bousted, Suzanne Jacoby at Josephine Bracken. Makikita ang kanyang pagiging romantiko sa kaniyang mga likhang-tula at love letters. Sangkot din si Rizal sa kasaysayan ng Dulaang Pilipino. Gumanap siyang artista sa entablado ng mga huling dekada ng dantaon 19.
Si Rizal tulad ng lahat ng pangkaraniwang tao ay meron ding iba’t ibang hilig at paglilibangan ngunit kahit pampalipas oras lamang ay nananatili pa ring makabuluhan at may saysay. Isa na rito ang paglalaro ng chess. Nakikipaglaro siya ng chess sa mga kapuwa Pilipino at sa mga banyaga maging sa mga guwardiya sibil. Kaya naman itinuturing din siyang kauna-unahang Grand Master ng chess ng bansa.
Sa isang panayam naman kay Gng. Fredeswinda Carillo, isang Retiradong Master Teacher, sinabi niya na ang event na ito ay makasaysayan at makabuluhan. Ang malalim na pang-unawa sa paglalakbay ni Rizal ay kapaki-pakinabang sa mga mamamayang Pilipino. Nakalulungkot na ang ating pambansang bayani ay unit-unting nalilimutan at mababaw ang pagkakaunawa ng mga kabataan. Sa munomento at sa salapi lamang nakikita ang larawan ni Rizal.
Sinabi ni Nadera na sa pagsasalin ni Rizal ng salitang libertad sa wikang Filipino ay nakalulungkot isipin na hindi naranasan ng ating pambansang bayani ang tunay na kahulugan ng salitang kaniyang ipinaglalaban.
No comments