By Nimfa Estrellado and Lyndon Gonzales December 7, 2019 Personal na iniabot ni Gov. Danilo Suarez, kasama si 3rd District Rep. Aleta C...
December 7, 2019
LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - Idineklara ang state of calamity sa Lalawigan ng Quezon dahil sa matinding pinsalang iniwan ng bagyong Tisoy na may international name na Kammuri. Sinabi rin ng pulisya na tatlong katao ang naitalang patay habang milyun-milyong piso na halaga ng pananim at pag-aari ang naiulat na nasira. Isa ang Lalawigan ng Quezon sa nakaranas ng matinding hagupit ng bagyo kung saan nakaranas ng hanggang apat na metrong taas ng storm surge ang coastal towns.
Sa tindi ng bagyo, umabot sa 10,748 pamilya o mahigit 32,703 katao ang inilikas sa iba’t ibang evacuation center bago pa man tumama sa kanila ang bagyo ng Martes ng umaga, December 3. Sa oras na ihayag ang state of calamity o kalagayan ng kalamidad sa isang lugar, ang mga mamamayan nito ay magkakaroon ng pagkakataong mag-loan o umutang sa gobyerno nang walang labis na interes.
Malakas na hangin at buhos ng ulan ang naranasan sa malaking bahagi ng probinsya sa Lalawigan ng Quezon. Nasa 1500 pamilyang sinalanta sa San Francisco at 2500 naman ang pamilya na sinalanta ng bagyo sa Mulanay. Nalubog sa baha ang ilang kabahayan at maging eskwelahan at bumagsak din ang telecommunication signal sa Tagakawayan. Magdamag na binayo rin ng malalakas na hangin at ulan ang mga bayan ng Bondoc Peninsula, Calauag at sa iba pang bayan sa Lalawigan Quezon.
Ayon kay Mayor Giovanne T. Lim ng San Andres kung saan dumikit ang mata ng bagyong Tisoy, kailangan nila ng kaunting tulong sa pagpapatayo uli ng napakaraming bahay na nawasak lalo na sa coast line ng San Andres dahil higit 1,000 bahay sa sa bayang ito ang nawasak at tinatayang 2000 naman ang pamilyang napinsala.
Perwisyo sa kabuhayan ng mga magsasaka ang idinulot ng bagyong Tisoy dahil maraming puno natumba, nalunod sa tubig-baha ang ilang mga palayan, sagingan, mga high value crops at iba pang agrikultural na produkto. Batay sa inisyal na ulat ng Office of Civil Defense 4A, tinatayang nasa P14.9 million ang halaga ng pinsala sa agrikultura ang natamo ng lalawigan dulot ng pananalasa ng bagyong Tisoy.
Bukod sa kanila, apektado rin ng nangyaring ito ang publiko dahil maraming natumbang poste ng kuryente, nawalan din ng komunikasyon at mga cable TV nasira. Maraming nawasak na mga bahay, nawalan ng bubong ang mga eskuwelahan, at nalunod ang mga alagang hayop.
State of calamity
Noong Miyerkules, December 4, ng hapon ay nai-post ni Vice Governor Sam Nantes ang deklarasyon sa kanyang pahina sa Facebook.
Ang pahayag ni Nantes ay bilang tugon sa kahilingan ni Gobernador Danilo Suarez noong Miyerkules na aprubahan ng konseho ng lalawigan ang isang resolusyon na “ipinahayag ang probinsya sa ilalim ng isang estado ng kalamidad dahil sa pinakahalagang epekto ng Bagyong Tisoy.”
Ayon kay Quezon Governor Danilo Suarez, ang deklarasyon ay ipinasa ng Sangguniang Panlalawigan sa special session na isinagawa noong Miyerkules, December 4, isang araw matapos ang pananalasa ng bagyo.
Makatutulong aniya ang deklarasyon sa lalawigan upang agarang maipaabot ang tulong sa mga naapektuhang residente at mga nasalantang bayan sa lalawigan.
Pagdagsa ng tulong
Sa isang panayam, nagbigay ng mahalagang mensahe sa mga mamahayag ang Gobernador kaugnay sa bagyong Tisoy. Sinabi ni Suarez na tutulong ang pamahalaang panlalawigan sa mga pangangailangan ng mamamayan nito.
Aniya, nakahanda na sa bawat bayan na apektado ng bagyo ang mga relief goods, food packs, Health Coupons, sleeping kits, at mga yero. Disyembre 4 naman bibisitahin ng Gobernador ang ikatlo at ikaapat na distrito upang pangunahan ang pagbibigay ng mga tulong at kasabay ng pamamahagi ng Health Coupons sa bawat barangay.
Kaunahang binisita ni Suarez ang ilang bahagi ng Lungsod Lucena at Tayabas. Pitong daang pamilya ang naabutan ng tulong sa bayan ng Gumaca, tig-300 pamilya naman sa Plaridel at Agdangan ang pinagkalooban ng health coupons, food packs, at mga yero.
Pinangunahan mismo ng unang ginang at 3rd District Cong. Aleta Suarez ang pag-abot ng tulong sa kaniyang nasasakupang distrito. Sa Brgy. 10 ng Catanuan, may 165 pamilya ang naabutan ng tulong sa kasama sina Mayor Ramon Orfanel at Department of Public Works and Highways (DPWH) ng Quezon 3rd Engineering District Engr. Carlo Pastrana, 1,050 sa Gen. Luna, 1, 200 pamilya sa Pitogo at 1,100 pamilya sa Macalelon.
Isang suliraning idinulot ng bagyong Tisoy ang pagkawala ng daloy ng elektrisidad sa mga bayan sa lalawigan ng Quezon. Ito ay naging direktang problema ng mga pasyente at doktor sa Magsaysay Memorial District Hospital sa bayan ng Lopez, Quezon kung kaya’t minabuting dalawin ng gobernador ang nasabing ospital upang personal na masuri ang kalagayan ng mga pasyente dito.
Mabilis naman inalis ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mga basura at mga punong natumba sa National road ng ikatlong distrito katulong ang Philippine National Police (PNP) at 85th Infantry Batallion 2ID Phil. Army.
No comments