December 7, 2019 Governor DoDo Mandanas habang binibisita ang pamilyang sinalanta ng bagyong Tisoy. Matapos ang pagdaan ni Typhoon Tis...
Governor DoDo Mandanas habang binibisita ang pamilyang sinalanta ng bagyong Tisoy. |
Matapos ang pagdaan ni Typhoon Tisoy sa Lalawigan ng Batangas noong ika-3 ng Disyembre 2019, walang naitalang casualty sa lalawigan, sang-ayon sa datos ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO), matapos ang pagsasara ng mga evacuation centers sa iba’t ibang lugar noong ika-4 ng Disyembre 2019.
Umabot naman sa mahigit ₱9 Milyon at ₱41 Milyon ang mga nasalantang pananim at palaisadaan, ayon sa pagkakasunod, samantalang tinatayang nasa 31,000 indibidwal ang lumikas mula sa mga barangay na nasa baybaying-dagat, kung saan nagkaroon ng storm surge warnings sa kasagsagan ng bagyo.
Nagpasalamat naman si PDRRMO Head Joselito Castro sa lahat ng mga miyembro ng PDRRMC na walang pagod na nagbigay ng serbisyo para paghandaan ang pagdaan ng bagyo. Binigyang-pansin din nito ang pangunguna ni Gov. DoDo Mandanas upang masiguro ang agarang pagtugon ng pamahalaan sa mga posibleng pangangailangan ng mga kababayan.
Personal at maagang inikot ni Governor DoDo Mandanas ang ilan sa mga evacuation centers sa lalawigan para tiyakin ang maayos na kalagayan ng mga pamilyang inilikas dito. Pinangunahan din nito ang inspeksyon sa mga lugar dala ang relief goods na ipinamahagi sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office, kasama sina 6th District Board Member (BM) Bibong Mendoza, 5th District BM Arthur Blanco, 5th District Senior BM Claudette Ambida at ilang mga kasamahan sa Kapitoyo. Bumisita rin si Vice Governor Mark Leviste sa ilang evacuation centers.
Magkakasunod na emergency meetings ang ipinatawag ni Governor DoDo Mandanas, na tumatayo rin bilang Chairperson ng PDRRMC, bilang paghahanda sa bagyong Tisoy, kabilang ang paninigurong may magagamit na pondo para sa mga relief operations at bigyang-diin ang target na zero casualty. (Batangas Capitol PIO)
No comments