By Rachel Joy Gabrido January 25, 2020 Ang 1194 na evacuees na tumutuloy sa DOH Treatment and Rehabilitation Center na tumanggap ng ayud...
January 25, 2020
Ang 1194 na evacuees na tumutuloy sa DOH Treatment and Rehabilitation Center na tumanggap ng ayuda mula sa gobyerno noong ika-16 ng Hunyo, 2020. |
LUNGSOD NG CALAMBA, Laguna – Patuloy ang pagdagsa ng mga tulong para sa mga Batangueñong biktima ng pagsabog ng bulkang Taal, kamakailan nga ay 1,194 na mga evacuees sa DOH Treatment and Rehabilitation Center sa Lungsod ng Tagaytay ang nakadama nito.
May ngiti sa labing tinanggap ng mga evacuee mula sa Laurel, Batangas ang mga bumisitang opisyales mula pamahalaang nasyunal at probinsyal na nagdala ng tulong mula kay Presidente Rodrigo Roa Duterte at maging personal na tulong noong ika-16 ng Hunyo, 2020.
Ang 260 na pamilyang binubuo ng 1,194 na indibidwal ay nakatanggap ng mga tulong na food packs, banig, kumot, at face mask na tamang tama naman sa kanilang pangangailangan.
“Kailangan namin iyong mga banig at kumot kasi malamig, pati na rin jacket. Tapos tubig na pang-banyo,” sinabi ni Ellen Grace Cagasan, isa sa mga evacuee mula sa bayan ng Laurel, sa Philippine Information Agency Calabarzon.
Aniya may sapat naman silang tubig na inumin at nabibigyan ng sapat at maayos na pagkain.
Maganda rin na mayroong kanya-kanyang comfort room o banyo ang bawat kwarto na tinutuluyan ng mga bakwit, subalit ang problema ay may mga pagkakataong nawawalan sila ng suplay ng tubig para sa sanidad. Kaya naman ito ang hiling niya na agarang matugunan.
Maliban sa mga materyal na mga ayuda, tumanggap rin ng tulong pinansyal na nagkakahalagang P3,000.00 ang bawat pamilya na nakatigil sa DOH Treatment and Rehabilitation Center mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ang pagbisita ay pinangunahan ni Executive Secretary (ES) Salvador Medialdea na siyang kumatawan sa Pangulo, kasama sina Senador Bong Go, Ronaldo “Bato” dela Rosa, at Francis Tolentino.
“Sa ganitong panahon ng sakuna, sinisigurado namin na ramdam ninyo na ang gobyerno ninyo ay narito para sa inyo. Tulong tulong tayo upang malampasan ang matinding pagsubok na hinaharap,” pahayag ni ES Medialdea.
Bahagi ng programa ang pagbibigay ng cash grants na mula sa Administrasyong Duterte para sa iba’t ibang bayan na apektado ng pagsabog ng Bulkang Taal.
Tinanggap ito ng mga kinatawan ng lokal na pamahalaan ng mga bayan ng Laurel, Talisay, Lemery, Alitagtag sa Lalawigan ng Batangas; at ng mga Lungsod ng Tagaytay at bayan ng Alfonso sa Cavite. (Joy Gabrido/PIA 4A)
No comments