January 11, 2020 LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - Dalawang bayan sa ikatlong distrito ng Quezon ang personal na dinalaw ni Rep. Aleta Suare...
LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - Dalawang bayan sa ikatlong distrito ng Quezon ang personal na dinalaw ni Rep. Aleta Suarez (3rd District) noong Enero 9, 2020 upang hatidan ng tulong pabahay at agricultural, lalo at naapektuhan sila ng bagyong Tisoy noong nakaraang buwan.
Kaagapay ni Rep. Suarez sa programa ang Department of Agriculture Region 4A sa pamamagitan ni Dennis Arpia, Regional Technical Director for Operations at mga anak ng mambabatas, sina dating Unisan Vice-Mayor Jun-Jun Suarez at KALIPI Quezon Pres. Atty. Joanna Suarez.
Sa Barangay Mabunga sa San Francisco ay nagkaloob sina Rep. Suarez at DA ng iba’t ibang farm inputs gaya ng kambing, baka, kalabaw at native na baboy gayundin ng mga seedlings gaya ng ampalaya, kalabasa, sitaw at sinamahan din ng fertilizers at hand tractors.
Naging benepisyaryo ang mahigit 300 magsasaka na kasapi ng ilang farmers’ organizations kabilang ang San Francisco Federation of Rice Farmers Association, San Francisco Corn Producers Association, SIPag San Francisco at San Francisco Banana Producers Association.
Ang ayudang ito ay pinondohan ng pamahalaang lalawigan ng Quezon, DA at tanggapan ni Rep. Suarez, at bilang tulong sa mga magsasaka na naapektuhan ang mga pananim ng bagyong Tisoy.
Sa Barangay Poblacion naman sa bayan ng San Andres ay nagkaloob din ng kaparehong tulong, gayundin ng dagdag ayuda sa pabahay gaya ng mga bubong na yero at plywood para sa pangdingding ng mga bahay na siniara ng bagyong Tisoy.
Mahigit apat na milyong pisong halaga ang naipagkaloob ng Department of Agriculture Region 4A, kung saan malaking mahagi din ang naipagkaloob ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon sa pamamagitan ng Provincial Agriculture Office. (Quezon-PIO)
No comments