January 4, 2020 Magiging host ang Batangas City ng Southern Tagalog Calabarzon Athletic Association (STCAA) SuperHero Games 2020 na nakat...
Magiging host ang Batangas City ng Southern Tagalog Calabarzon Athletic Association (STCAA) SuperHero Games 2020 na nakatakdang ganapin mula ika-6 hanggang ika-12 ng Pebrero kung saan may 5,000 delegates ang darating.
Puspusan ang ginagawang paghahanda ng pamahalaang lungsod at ng City Schools Division sa ilalim ng Department of Education upang maging isang tagumpay ang malaking regional sports event na ito.
Bumuo ng mga committees si Mayor Beverley Dimacuha upang siyang kumilos sa iba’t ibang aspeto ng preparasyon kasama na ang peace and order.
May siyam na delegasyon ang kalahok kung saan may 700 elementary at secondary athletes mula sa public at private schools ang bumubuo ng bawat delegasyon.
Sila ay magpapagalingan sa mahigit 20 palaro kagaya ng arnis, athletics, basketball, volleyball, swimming, badminton, gymnastics, boxing, chess, taekwondo, archery, dance sports at iba pa.
Kalahok din dito ang mga estudyante ng Alternative Learning System (ALS) at persons with disability. Ipakikita rin ang creativity ng mga participating students sa gagawing Cosplay Costume competition.
Ang mga magwawagi dito ay syang magiging kinatawan sa Palarong Pambansa na syang culmination ng mga school sports competitions.
Tinatawagan ng pamahalaang lungsod ang concerned sectors kagaya ng transportation, business, schools at tourism na maghanda sa event na ito at ipakita ang kanilang maayos na pagtanggap sa mga bisita.
Magdadatingan ang mga delegates sa February 5 habang sa February 6 isasagawa ang opening program sa Batangas City Sports Coliseum.
Magsisimula ang pagbubukas sa pamamagitan ng parada ng mga delegasyon sa ganap na alas otso ng umaga sa harap ng Provincial Capitol pababa sa kahabaan ng P. Burgos, babagtas sa harapan ng City Hall at dadaan sa MH Del Pilar patungo sa Coliseum.
Tinitingnan ng Dep Ed ang posibilidad ng pagdedeklara ng walang pasok sa araw ng STCAA opening upang maiwasan ang heavy traffic. (PIO Batangas City)
No comments