By Lolitz Estrellado January 11, 2020 CUENCA, Batangas - Umani ng papuri at pasasalamat mula mismo sa mga Cuenqueños ang unang State of...
January 11, 2020
CUENCA, Batangas - Umani ng papuri at pasasalamat mula mismo sa mga Cuenqueños ang unang State of the Municipality Address (SOMA) ni Cuenca lady Mayor Faye Endaya Barretto na ginanap noong Disyembre 27, 2019 ganap na ika-4:00 na hapon sa Municipal Gymnasium ng nasabing bayan.
Ang nasabing SOMA ay isinagawa makaraan ang unang 180 araw ni Mayor Endaya-Barretto bilang punong bayan ng Cuenca.
"Forward to Excellence for a Better Cuenca" ang naging tema nito, kasabay ng "Pamaskong Handog ko sa mga Kapuwa ko Cuenqueños."
Ayon sa mga konsehal ng bayan, mga opisyales, chiefs of office at empleyado ng lokal na pamahalaan; mga kapitan at kagawad ng barangay, mga estudyante at mga guro, gayundin ang mga pangunahing mula sa iba pang sektor na sumaksi at nakinig sa SOMA, makatotohan, nakaka-inspire at punong puno umano ng pag-asa ang mga ipinahayag ng kanilang mayor.
Dalawang opisyal ng barangay na hindi na nagpabanggit ng pangalan ang nasabi, "Naku, sa loob ng napakatagal na panahon, simula pa noong 2004, ay ngayon lamang kami nakadalo at makakapagkinig ng SOMA. Iba talaga iyang si Mayor Faye, magaling at masipag, napakabait tulad din ng kanyang ama."
Naging tampok sa SOMA ang naging kalagayan ng Cuenca sa loob ng unang anim (6) na buwan o 180 araw sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Endaya-Barretto.
Isa sa pinakatahimik na bayan sa lalawigan, ang Cuenca ay inaasahang maaabot ang hangad na pag-unlad sa susunod na mga taon.
Inilatag at tinalakay ng mabait at magandang alkalde ang kanyang mga plano o executive agenda para maisulong ang ibayong kaunlaran ng kanyang bayan, partikular ang ukol sa ekonomiya, kalusugan ng mga Cuenqueños, edukasyon, imprastraktura, kapayapaan at kaayusan ng bayan, kalinisan ng kapaligiran, turismo, tulong-pinansyal, medikal, scholarships at iba pang serbisyo publiko.
Naniniwala si Mayor Endaya-Barretto na ang kalusugan ay mahalaga, na ang malusog na mamamayan ay nangangahulugan na malusog at produktibong bayan, kaya naman pagtutuunan niya ang programang pangkalusugan.
Sa peace and order, paiigtingin ang ugnayan at suporta sa kapulisan para sa kampanya laban sa droga at krimen.
Nagpahayag din ng kanyang lubos na pasasalamat si Mayor Barretto-Endaya sa suporta ng kanyang mga kababayan at umaasa na sa pagtutulungan ng bawa't isa ay malayo pa ang kanilang mararating.
Ayon pa rin mismo sa mga empleyado ng munisipyo, napakaganda ng nasimulan ni Mayor Barretto-Endaya at umaasa ang mga Cuenqueños na magtutuloy-tuloy ito hanggang sa makamit ang tunay na tagumpay para sa kanilang bayan.
No comments