January 25, 2020 Editorial Mahigit isang linggo na ang nakakalipas nang sumabog ang bulkang Taal. Umabot na sa P3.6-bilyon ang tinatata...
Editorial
Mahigit isang linggo na ang nakakalipas nang sumabog ang bulkang Taal. Umabot na sa P3.6-bilyon ang tinatatayang halaga ng nawasak (damages) sa ari-arian na dulot nito.
Sa kasalukuyan, tahimik ang bulkan, ngunit ayon mismo sa Philippine Volcanology and Siesmology (PHIVOCS) ay hindi pa dapat maging kampante. Tahimik ngunit mas mapanganib.
Grabe ang ibinugang abo ng bulkan na hanggang sa ngayon ay patuloy pa rin ang ashfall na lalong kumapal partikular sa mga lugar na nasa 14-kilometer danger zone.
Dahil dito, nagbabala ang Kagawaran ng Kalusugan na mag-ingat, magsuot ng tamang gas o face mask para maiwasan ang sakit na maaaring idulot na "poor visibility" o malabong paningin sa paligid.
Maraming mga residente ang nagiging pasaway na at nagpipilit o pumupuslit na nga para makabalik sa kanilang lugar at may total lockdown na.
Inaalala nila ang mga ari-ariang naiwan, mga alagang hayop at bahay.
Sana, isipin nating lahat na mas mahalaga ang buhay ng tao kaysa sa mga ari-arian. Iyang mga iyan at anupaman ay pwedeng palitan kung masira man o mawala. Subalit ang kalusugan at buhay ng tao ay iisa lang.
Huwag naman maging pasaway, para rin iyan sa inyong kabutihan. Sumunod sa mga sinasabi ng mga awtoridad na ang hangad lamang naman ay ang kaligtasan ng lahat.
Kaawaan tayo ng Diyos, at iligtas. God help and bless us.
No comments