By Nimfa Estrellado January 4, 2020 Fireworks display at SM City Lucena. (Photo by Danny Villareal Ordoñez) LUNGSOD NG LUCENA, Quezo...
January 4, 2020
Fireworks display at SM City Lucena. (Photo by Danny Villareal Ordoñez) |
LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - Mapayapa ang selebrasyon ng pagsalubong ng Lalawigan ng Quezon. Ito ang naging kabuuang kalagayan ng lungsod ayon kay PMaj Marcelito Platino, umaaktong Incident Commander ng binuong Incident Management Team para sa Oplan Paalaala 2020.
Wala aniyang mga hindi inaasahang pangyayaring naganap habang nagpapalit ng taon maliban sa napaulat na limang naging biktima ng paputok na kaagad namang nadala sa malalapit na pagamutan upang bigyan ng lunas.
Sa Quezon Medical Center dinala sina Noel Macaraig, 47 taong gulang ng Barangay Crossing at Omar Buena, 24 taong gulang ng Barangay Kanlurang Mayao.
Sa MMG Lucena naman isinugod si Franken Hoger, 38 taong gulang ng 87 Ext, Blk 6, Lot 6, Calmar Homes, Barangay Kanlurang Mayao, samantalang sa St Anne General Hospital naman si Lenny Beth Lequin Punay, 32 taong gulang, Barangay Ibabang Dupay at sa Lucena United Doctors Hospital si Raymund Beroya Abaca, 35 taong gulang ng Barangay Isabang, Lucena City. Lahat sila ay nagtamo ng minor injury.
Samantala, tinatayang umabot sa mahigit 50 libong piso ang halaga ng iba’t ibang klase ng paputok na nakumpiska ng kapulisan. Mahigpit nilang ipinapatupad na ang mga binibigyan lamang ng pahintulot na klase ng paputok ang makikitang ibinebenta sa itinakdang bilihan ng paputok.
Sa barangay Market View ang lugar kung saan maaaring magbenta at bumili ng paputok.
Upang masiguro na kaagad makakatugon sa mga hindi inaasahang pangyayari habang nagpapalit ng taon, Disyembre 27 pa lamang ay nakaalerto na ang Incident Management Team na binubuo ng Lucena BFP, BFP-SRU, Lucena PNP, Lucena City ERT, Lucena City Traffic Management, Patrol 117/911, CADAC ReVive, at 32nd PAF Reserve Accredited Community Disaster Volunteers (ACDVs). Ang 24 oras na operasyon para sa Oplan Paalaala sa lungsod ng Lucena ay magtatapos sa Enero 2, 2020.
Ayon naman sa PNP Lucena tiniyak din nilang gawin ng kanilang hanay ang kanilang mandato na protektahan ang mamamayan at siguruhin ligtas ang lahat sa anumang mga karahasan. Kasabay ng selebrasyon ay isinailalim sa full alert status ng mga kapulisan ang buong puwersa nito.
Upang tiyakin na magiging malaki anya ang naitulong ng pagpapakalat ng mga patrol cars ng PNP Lucena bukod pa ang deployment ng mga pulis.
Bilang bahagi ng pagpapaigting ng police visibility sa mga lugar na dinarayo ng mga tao sa tuwing sasapit ang kapaskuhan. Kabilang dito ang mga simbahan, pook pasyalan, malls at mga terminals.
Samantala, hindi na rin magpapatupad ang PNP Lucena ng pagbubusal ng mga baril.
Para lamang matiyak na hindi ito magagamit sa pagsalubong sa bagong taon. Upang maiwasang makapambiktima ng mga inosenteng sibilyan. Ang sinumang pulis na magpapaputok ng baril sa pagsalubong sa taong 2019 ay sisibakin sa puwesto at posibleng matanggal sa serbisyo.
Wala naman silang namonitor na may mga insidenteng karahasan na naitala sa iba’t ibang bahagi ng Lalawigan ng Quezon sa pagdiriwang ng pasko.
Ayon sa ulat ng pulisya, karamihan lamang umano ng mga naitatala ay mga petty crimes tulad ng panggugulo dahil sa kalasingan at maliliit na kaso ng pagnanakaw. Sa kabilang banda, wala umanong malalaking krimen na naganap sa ibang parte pa ng Lalawigan ng Quezon. Kaugnay nito, nagbilin pa rin ang kapulisan sa publiko na patuloy na mag-ingat, lalo na sa mga nakawan.
Dahil dito, nagpasalamat ang ospiyal sa sambayanan dahil sa mapayapang pagdiriwang ng yuletide season.
Importante umanong manatiling alerto, dahil sa ngayon ay mautak na ang mga magnanakaw at minu-monitor ang isang lugar bago pasukin saka limasan ng pera o kagamitan.
Dagdag ng ng pulisya na gagawin nila ang kanilang mandato na protektahan ang mamamayan at siguruhing ligtas ito sa anumang karahasan. Sinabi rin nito na maituturing aniyang naging matagumpay ang kampanya ng pnp para sa ligtas na kapaskuhan. Ito aniya ay dahil na rin sa pagtutulungan ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno gayun din ng media at kooperasyon ng publiko partikular na sa kampanya ng gobyerno kontra paputok. - may ulat mula kay FPBM Franz
No comments