By Lyndon Gonzales January 25, 2020 Winelcome ni Lucena City Mayor Roderick Alcala (kanan) si Senador Christopher Lawrence ‘Bong’ Go ...
January 25, 2020
LUCENA CITY- Uumpisahan na ang konstruksiyon at rehabilitasyon ng Lucena Fish Port Complex (LFPC) sa Brgy. Dalahican, Lucena City kasunod ng groundbreaking ceremony na idinaos ngayong Enero 23. Pinangunahan ito ni Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go kasama sina 2nd District Representative David Suarez,Gov. Danilo Suarez at Gen. manager Atty. Glenn A. Pangapalan ng Philippine Fisheries Development Authority (PFDA),Lucena Port Manager Custodio Balaoing, Mayor Roderick Alcala at City Vice Mayor Philip Castillo.
“Congratulations sa inyong bagong fish port. Alagaan ninyo ang inyong karagatan, lalong-lalo na ang fishing industry dito sa Quezon,” pahayag ni Go sa mga residente ng lalawigan sa kaniyang pananalita.
Pinangunahan ni Sen. Christopher Lawrence ”Bong” Go ang Groundbreaking Ceremony ng rehabilitasyon at konstruksiyon ng Lucena Fish Port Complex sa Brgy. Dalahican, Lucena City nitong Enero 23 kasama sina Gov. Danilo E. Suarez, Cong. David Suarez at Atty. Glen A. Pangapalan General Manager ng Philippine Fisheries Development Authority (PFDA (Larawan mula PGO Quezon) |
Ang konstruksiyon at rehabilitasyon ng LFPC ay isa lamang sa proyekto ng Build, Build, Build Poject ng Pang. Rodrigo R. Duterte. Ang LFPC ay itinayo bilang bahagi ng Nationwide Fish Ports Project Package I at naitayo sa nabawing 7.8 hektaryang lupain at natapos ang konstruksiyon noong 1991. Pormal na nagsimula ang operasyon nito sa ilalim ng pamamahala ng PFDA noong Pebrero 1992. Nagkaroon ng rekomendasyon ang departamento ng rehabilitasyon ng fish port upang makapagbigay ng mas maayos na serbisyo at makagamit ng makabagong teknolohiya sa post harvest facility at inprastraktura at isasakatuparan ang proyekto sa taong 2020-2023.
“Alam po ninyo, 1991 pa huling na-repair itong fish port. Panahon na po para ito magkaroon ng rehabilitation,” wika ni Go sa mga mamamahayag pagkatapos ng seremonya.
“Para po itong bagong fish port sa mga taga-Quezon sa mga (mangingisda) natin dito, sa fishing industry,” dagdag pa niya.
Nagkakahalaga ng P783 milyon ang proyekto na magbibigay ng mas maraming hanapbuhay na naaayon sa pamantayan ng Hazard Analysis and Critical Control Points (HACCP). Sinasabing ang proyekto ay makatitipid ng oras sa pagdeskarga at pagbebenta ng isda at makatutulong sa pagpapabuti ng kalagayang pang-ekonomiko ng Dalahican. Kasama sa proyektong ito ang rehabilitasyon, pagtatayo pa ng karagdagang breakwater, multi-purpose wharf, refrigeration at quay revetment, market hall at ice plant. Kabilang din ang marine, civil building at miscellanaeous works facilities ang madaragdag.
Humingi ng patuloy na suporta sa mga mamamayan ang senador sa kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga, krimen at korapsiyon.
“Salamat po sa inyong suporta sa administrasyong Duterte. Magtulungan po tayo para maipagpatuloy ang magagandang pagbabago na nangyayari sa ating bansa,” wika ni Go.
“Minsang lang tayo dadaan sa mundong ito. Kung anumang kabutihan ang magagawa natin para sa ating kapuwa, gawin na nating ngayon,” dagdag pa niya.
Pinaalala din ni Go sa mga taga-Quezon na maaari silang humingi ng serbisyo sa tulong ng Malasakit Center sa Quezon Medical Center sa Lucena City. Ang Malasakit Center ay tumutulong sa mga pasyente na nangangailangan ng serbisyong medikal at pinansiyal sa ilalim ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), Department of Health (DOH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), and Philippine Charity Sweepstakes Office (PSCO).
“Pinamunuan din ni Go ang ribbon-cutting ceremony para sa 12.5-meter patrol boat ng Philippine Coast Guard na mula sa Pamahalaang Lalawigan ng Quezon sa pamumuno ni Gov. Danilo E. Suarez.
Sa mensahe naman ni Rep. David Suarez sinabi niya na magpapatayo siya ng City General Hospital na pinondohan ng P40 milyon na mula sa Committee Chairman on Health na si Sen. Bong Go.
Dumalo rin sina CALABARZON Regional Philippine National Police (PNP) Dir.P/Brig.Gen. Vicente Danao Jr., P/Col Audie Madrideo Quezon PNP Provincial Dir, P/Col. Romulo Albacea,Chief of Police of Lucena, PCOL Policarpio C. Cayabyab Jr. Regional Chief, Regional Maritime Unit 4A, PMAJ Manuel M. Magat Station Chief, 403rd Maritime Police Station, CAPT. Alexis J. Calderon MC PCG (DSC) Station Commander Coastguard Southern Quezon, PO2 Denmark O. Cueto Substation Commander Coastguard Substation Mogpog Marinduque ,Quezon 2nd District Bokal Yna Liwanag, Bokal Romano Talaga, Mga Konsehal ng Lungsod na sina Nilo Villapando, Christian Ona, Noche, ABC President Jacinto “Boy”Jaca, Quezon Provincial Admin. Roberto Gajo, Provincial Governor’s Office (PGO) Chief of Staff Jenny Suarez-Lopez, Exec. Assistant Crisitina Talavera, 2nd District Officer of Congressman David Suarez Diony Rodolfa, at Quezon Public Information Officer (QPIO) Ma. Janet Geneblazo.
No comments