By Fredmoore S. Cavan January 25, 2020 Batangas Provincial Governor Hermilando Mandanas CITY OF STO. TOMAS – Kasunod ng kautusan...
January 25, 2020
Batangas Provincial Governor Hermilando Mandanas |
CITY OF STO. TOMAS – Kasunod ng kautusan na inilabas ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ay mahigpit ng ipapatupad ng Batangas Provincial Government ang lockdown sa mga danger zones sa paligid ng Bulkang Taal dahil sa patuloy na pag-aalburuto nito.
Sinabi ni Batangas Provincial Governor Hermilando Mandanas na aalisin na rin ang 'window hours' na ipinatupad para payagan ang mga residente na nagnanais bumalik upang isalba ang mga natitira nilang ari-arian at tingnan ang mga alagang hayop na naiwan sa kasagsagan ng pagsabog ng bulkang Taal.
Mariing iginiit ni Mandanas ang pagpapatigil ng 'window hours' sa mga residente ng mga bayan na nasa ilalim ng lockdown.
Aniya maaaring magkaroon ng kahirapan sa pagliligtas ng mga tao sakaling pumutok ang Bulkang Taal.
“Pagputok ng bulkan, wala ka nang oras na umalis o mag-evacuate,” ani Mandanas.
Nanawagan si Mandanas sa mga apektadong residente na huwag nang bumalik sa kanilang mga tahanan habang nakataas ang alert level 4 sa Bulkang Taal.
Ilang bayan ang isinailim sa total lockdown dahil sa banta ng mga panganib tulad ng ballistic projectiles, base surges, at volcanic tsunami sakaling pumutok ang Bulkang Taal.
Kabilang sa mga ito ang bayan ng Agoncillo, Balete, Lemery, San Nicolas, Sta. Teresita, at Talisay.
Nauna nang ipinag-utos ng DILG ang pag-aalis ng window hours sa mga lugar na nasa ilim ng lockdown.
Ayon kay DILG Secretary Eduardo M. Año, mapanganib pa rin para sa mga residente ang sitwasyon sa paligid ng Taal at prayoridad umano ng gobyerno ang kaligtasan ng mga ito.
Ayon sa DOST-PHIVOLCS, nakataas pa rin sa Level 4 ang alert status ng bulkan at pinangangambahang sumabog anumang oras.
Patuloy naman ang DOST-PHIVOLCS sa pagbibigay ng paaalala kaugnay ng total evacuation sa mga lugar na nasa loob na nasa loob ng 14-kilometer radius mula sa Taal Main Crater dahil sa mga panganib dulot ng patuloy na aktibidad ng bulkan. (PIA4A)
No comments