By Ruel Orinday February 15, 2020 LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - May 26 na barangay sa lungsod na ito ang “drug cleared barangay” na dahil s...
February 15, 2020
LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - May 26 na barangay sa lungsod na ito ang “drug cleared barangay” na dahil sa pinaigting na kampanya ng Lucena City Anti-Drug Abuse Office (LCADAO) sa ilalim ng pamahalaang lungsod at ng Lucena City PNP.
Sa programang “Balikatan Unlimited with PIA” sa DWLC-Radyo Pilipinas Lucena noong Pebrero 13, sinabi ni Francia Malabanan, hepe ng LCADAO na sa kabuoang bilang na 33 barangay sa lungsod, 26 na barangay ang napabilang na sa “drug cleared barangay” at pitong barangay na lamang ang nasa proseso ng drug clearing operation kasama ang barangay Cotta.
“Mahalaga ang tulong ng mga kapitan at iba pang opisyal ng mga barangay sa kampanya ng pamahalaang panglungsod gayundin ng Lucena City PNP at pamahalaang nasyonal sa pagpapatupad ng mga programa kontra droga,” sabi ni Malabanan.
Ayon pa kay Malabanan, patuloy sila sa isinasagawang drug education program sa mga paaralan sa lungsod upang maiwasan ng mga kabataang mag-aaral ang pag-gamit ng ilegal na droga.
Iniulat din ni Malabanan na noong 2018, may 80 katao sa lungsod na dating gumagamit ng droga ang natulungang makapagbagong buhay sa pamamagitan ng mga livelihood skills training o short courses na ibinibigay ng Lucena City Manpower Skills Training Center (LCMSTC). Katuwang ng LCMSTC sa pagkakaloob ng programang ito ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA)-Quezon at Department of Labor and Employment (DOLE)-Quezon.
Dahilan sa pinaigting na kampanya kontra droga, matatandaan na noong 2018, ang pamahalaang panglungsod ng Lucena ay tumanggap ng Performance Award mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG). (Ruel Orinday/PIA-Quezon)
No comments