by Nep Castillo, saktoNEWS February 8, 2020 Anti-insurgency campaign pinaiigting ng Rizal PNP sa pangunguna ni Provincial Director PCo...
February 8, 2020
Anti-insurgency campaign pinaiigting ng Rizal PNP sa pangunguna ni Provincial Director PCol. Renato Alba (photo: nep castillo)
|
PATULOY na pinaiigting ng Rizal Provincial Police Office sa pangunguna ni Provincial Director PCol. Renato Alba, ang kampanya nito laban sa anti-insurgency partikular na sa mga mag-aaral sa lalawigan.
Hindi lingid sa marami na ang Rizal ay isa sa mga lalawigang patuloy na “pinuputakti” ng mga rebeldeng komunista sa bansa at pinupuntirya ng mga ito ang mga estudyante para hikayating sumapi sa kanilang kilusan.
Sa panayam ng saktoNEWS.com kahapon, sinabi ni Alba na magdaraos sila ng mga seminar sa lahat ng pampublikong paaralan espisipiko na sa mga estudyante na nasa Grade 10.
“Naka-iskedyul ang sunod-sunod naming mga seminar at uunahin namin ngayong taon ay ang mga estudyante dito sa Antipolo City na nasa mataas na paaralan,” ang sabi ni Alba.
Sinabi pa ni Alba na kaya nila ito ginagawa dahil may nababalitaan silang presensiya ng mga makakaliwang grupo ng New People’s Army (NPA).
“Hindi naman actually rebel-infested ang area, pero aminado kaming may banta sa iilang mga lugar dito sa lalawigan ng Rizal,” dagdag pa ni Alba.
Ngunit binigyang-diin ng hepe na hindi militarization ang kanilang ginagawa sa kabila ng pagkanaroroon ng mga puwersa ng kapulisan sa mga paaralan.
“Pinupuntirya lang namin ang mga paaralang alam namin na madaling pasukin ng mga rebelde at manghikayat ng mga estudyante,” dagdag pa ni Alba.
Itinanggi ni Alba na hindi militarization ang kanilang kampanya sapagkat ang gagawin nila aniya ay isang oras lamang na lecture may kinalaman sa terorismo at mga gawaing laban sa pamahalaan.
No comments