Editorial February 1, 2020 Ayon sa Philippine Volcanology and Seismology (PHIVOCS), nitong nakalipas na Biyernes, Enero 24, 2020 a...
February 1, 2020
Ayon sa Philippine Volcanology and Seismology (PHIVOCS), nitong nakalipas na Biyernes, Enero 24, 2020 ay may 30 porsiyento na lang ang posibilidad ng isang malakas na pagsabog ng Bulkang Taal sa Batangas. Subalit hindi umano ito dahilan para maging kampante na ang lahat. Nananatiling nagbubuga ng puting usok ang bulkan, na ang ibig sabihin ay may mainit pa sa ilalim nito at patuloy ang aktibidad.
Nananatili pa ring nakataas ang Alert Level No. 4, at ang mga lugar na nasa 14km danger zone ay total lockdown pa rin ang pinaiiral kahit na nagpipilit na ang mga residente na nakabalik. Nagkakaroon na tuloy ng tensyon at nagkakainitan na ang mga residente at ang mga awtoridad na nagbabantay at nangangasiwa.
Habang isinusulat ang editoryal na ito, ipinag-utos na ng mataas na pinuno ng PNP na umalis na ang mga pulis na nagbabantay sa danger zone at mga bayang naka-lockdown at lumikas na sa mga ligtas na lugar.
Sa bayan ng Nasugbu sa lalawigan ng Batangas, may ulat na hinarang na umano ng mga residente ang papasok na convoy ng Philippine Coast Guard (PCG). Grabe, matindi at talaga namang nakapaglulumo ang pinasalang idinulot ng Taal Volcano partikular sa Batangas Province.
Ang punto ng mga residenteng naghahangad ng mga residenteng naghahangad nang makabalik sa kanilang mga tahanan ay para maisalba ang naiwang kabuhayan at makapagsimulang bumangon. Anila, “paano kami makakabangon kung ayaw kaming payagan?”
Paano nga kaya? Nitong nakalipas na Lunes, Enero 27, magandang balita ang bumulaga sa mga Batangueños. Ibinaba na ng PHIVOCS sa Alert Level No. 3 ang status ng Taal Volcano, at pinayagan nang magsibalik ang mga residente sa kanilang mga tahanan na nakalockdown. Labis na kagalakan ang nadama ng residenteng lubhang napinsala ang mga bahay, ari-arian at hanap-buhay. Sadyang matatapang at matitibay ang mga Batangueño. Sa kabila ng lahat, mas gusto nilang balikan ang winasak ng pagputok ng bulkan, dito bumangon at magsimulang muli.
“May bukas pa sa ating buhay...tutulungan ka ng Diyos na maykapal...ang iyong pagdaramdam... ay mawala nang lubusan.” Pero tutuo naman, may bukas pa. Kapit lang sa Diyos, tibay at tatag, sipag at kilos. Babangon ang Batangas.
No comments