by Nep Castillo, saktoNEWS February 22, 2020 Fire Olympics ng BFP Cainta tuloy na sa Marso (file photo) CAINTA, Rizal - AABANGAN ng...
February 22, 2020
Fire Olympics ng BFP Cainta tuloy na sa Marso (file photo) |
CAINTA, Rizal - AABANGAN ng mga taga Cainta sa unang linggo ng Marso ang isasagawang Fire Olympics ng Bureau of Fire Protection (BFP) upang magbigay impormasyon at iba pang kaalaman kung paano mag-apula ng apoy.
Sinabi ni Senior Inspector Richard Erichson Malamug, hepe ng Cainta BFP, na kailangan nilang ibahagi sa mga mamamayan ang kahalagahan ng pagtutulungan, maliban sa kaalaman, tungkol sa pag-iingat upang walang mangyari na anumang insidente ng sunog.
“Idadaan namin sa “palaro” ang paghahatid ng impormasyon sa komunidad para maihanda sila sa anumang pangyayari may kinalaman sa pag-iwas sa mga gawaing maaaring pagmulan ng sunog,” ang sabi ni Malamug.
Ayon pa sa Fire Marshal, kailangan ding malaman ng mga nasasakupan nila kung ano ang ginagawa ng mga kawani ng pamatay sunog may kinalaman sa ginagawa nilang mga paghahanda.
Ang Fire Prevention Month sa buwan ng Marso ay tinaguriang napakahalagang buwan ng taon para sa mga firemen dahil kadalasan may nangyayaring sunog dulot ng mainit na lagay ng panahon.
Sa isang panayam, sinabi ni Malamug na tatalakayin din sa nasabing Fire Olympics ang tungkol sa tamang proseso ng pagkuha ng fire license permit, ano ang dapat tandaan ng mga establisimento pagdating sa akmang fire extinguisher na gagamitin nila.
Idinagdag pa ng hepe na mayroong mahigit 8,000 establisimento sa bayan ng Cainta at inoobliga nila na kumuha ng fire permit at iba pang kinakailangang fire safety equipment lalo na sa mga malalaking malls, buildings at depressed areas.
Maliban sa mataas na koleksyon sa fire permit, ipinagmamalaki din ni Malamug na walang insidente ng sunog ang nangyari sa Cainta noong nakaraang taon pero hindi aniya ito dahilan para maging kampante na sila.
No comments