by Nep Castillo, saktoNEWS February 15, 2020 Pinasinayaan ni Mayor Kit Nieto (kaliwa) kasama ang ilang iyembro ng konseho ang isang cr...
February 15, 2020
Pinasinayaan ni Mayor Kit Nieto (kaliwa) kasama ang ilang iyembro ng konseho ang isang crematorium na naglalayong magbigay ng libreng cremation sa mga mahihirap na residente ng Cainta. (photo: cainta/pio) |
CAINTA, Rizal - LIBRENG cremation sa kaniyang mga nasasakupan ang hatid ni Mayor Kit Nieto ng bayan ng Cainta sa lalawigan ng Rizal partikular na sa mga mahihirap at hindi kayang bumili ng ataul at magpalibing ng mga namayapang mahal sa buhay.
Ito ang inihayag ni Nieto sa mga mamahayag kaninang hapon, at sinabi pa nito na ang bagong crematorium sa Cainta Municipal Cemetery ay isa sa mga pangunahin niyang proyekto kung saan ito ay katabi lamang ng chapel na maaari ding gamitin na burulan.
“Ang isa sa mga dahilan kung bakit tumakbo ako bilang alkalde noon ay dahil sa hindi ko magandang karanasan tungkol sa bagay na ito. Kapag ako ay pumupunta sa lamay, nakakalungkot malaman na talagang walang pangburol at pampalibing,” ang sabi ni Nieto.
“So ang pakiramdam ko noon, mahirap ka na nga, [pero] sa kahuli-hulihang pagkakataon [ay] dini-deprive ka pa ng karapatan mong magluksa kasi iisipin mo muna kung saan ka kukuha ng pera para mailibing yong mahal mo sa buhay,” dagdag pa ng alkalde.
“So, that was my cry at that time na pag ako nakaupo I’ll just make sure na iiyak ka nalang, wala ka ng gagawin kasi gobyerno na ang gagalaw para sa lahat,” ayon pa sa alkalde.
Sinabi pa ni Nieto na ginagawa ito ng lokal na pamahalaan upang hindi na mahihirapan ang kaniyang mga nasasakupan maliban pa sa kulang na talaga ang espasyo sa sementeryo na paglilibingan.
“That’s why yong last step ko is cremation. Kasi ang option ko mauubos na yung nitso namin. So, we have to provide that option na maliliit lang yung cript na paglalagyan. Tapos yung mga walang pambili ng lapida bibigyan [din] namin sila,” ang sabi ng alkalde.
Idinagdag pa ni Nieto na pinag-iisipan din nilang bumili ng marmol sa probinsiya ng Romblon para gawing urna (urn) na paglalagyan ng abo nang sa gayon ay magkaroon ng disenteng lagayan.
Ang proyektong ito ng alkalde ay isa sa mga serbisyong ihahatid niya sa kaniyang mga nasasakupan na kilala bilang “from womb to tomb” na programa, maliban pa sa kalusugan, edukasyon, pabahay, transportasyon at ang kamakailang pagpapakain sa mga mahihirap na residente, na pawang mga libre din.
No comments