By Mamerta P. De Castro February 29, 2020 LUNGSOD NG TANAUAN, Batangas -Mahigit sa halagang P25M ang tulong ayuda na ipinagkaloob ng pa...
By Mamerta P. De Castro
February 29, 2020
LUNGSOD NG TANAUAN, Batangas -Mahigit sa halagang P25M ang tulong ayuda na ipinagkaloob ng pamahalaang panlalawigan ng Batangas sa mga mamamayan sa lungsod na ito na naapektuhan ng pagsabog ng bulkang Taal.
May 16 na barangay na kinabibilangan ng Ambulong, Banadero, Bagbag, Balele, Banjo West, Boot, Gonzales, Janopol, Maria Paz, Maugat, Wawa, San Jose, Santor, Talaga at Tinurik ang mga naapektuhan ng pagsabog na nagkaroon ng paglikas ang mga residente.
Sinabi ni Governor Hermilando Mandanas na hindi nagpapabaya ang pamahalaang panlalawigan dahil patuloy na ginagawa ang lahat ng kanilang makakaya upang matulungan ang mga lubhang apektado.
“Hindi nagpapabaya ang ating gobyerno sapagkat lahat ng opisyal ng pamahalaang panlalawigan maging ang ating Sanggunian at lahat ng mga kawani at ahensyang may kinalaman sa pagbibigay ng serbisyo ay hindi tumitigil simula pa noong sumabog ang bulkang Taal. Palagian silang nagbibigay ng inyong pangangailangan sa abot ng makakaya," ani Mandanas.
Binanggit ng gobernador na patuloy din maging ang serbisyong pangkalusugan sa pamumuno ng Provincial Health Office upang siguruhin na walang Batangueno ang manghihina sa hamong ibinigay sa lalawigan ng Batangas.
Aniya, ang tulong na ibinibigay ay sinisigurong makakaabot sa lahat ng apektado sa pagkain man o financial assistance na ibinibigay.
Bawat isang pamilya na naapektuhan ay binigyan ng P3k para sa shelter assistance at nagbigay din ng honorarium para sa mga volunteers kabilang ang barangay tanod, barangay officials, day care workers, parent leaders, presidente ng senior citizens na patuloy na gumaganap sa kanilang tungkulin sa kabila ng sila ay mga biktima din ng pagsabog ng bulkang Taal.
Nagkaloob din ng halagang P10k – P20K bilang tulong sa barangay depende sa kanilang pinsalang natamo sa pagsabog.
Sinabi pa ni Mandanas na hindi titigil ang pamahalaan sa pagtulong at pagtugon sa malawakan at pangmatagalang solusyon tulad ng hanapbuhay at trabaho lalong lalo na sa mga lubhang naapektuhan ng pagsabog tulad ng daan-daang pamilya sa Volcano Island.
Nauna na rito, nagkaloob na ng tulong ayuda sa mga bayan ng San Nicolas, Taal, Talisay, Laurel, Agoncillo at Lemery. (BHABY P. DE CASTRO-PIA Batangas)
No comments