By Nimfa Estrellado February 29, 2020 Punong niyog. (Photo by Pixabay) LUNGSOD NG LUCENA, Quezon – Ang pagpuputol ng mga punong ...
February 29, 2020
Punong niyog. (Photo by Pixabay) |
LUNGSOD NG LUCENA, Quezon – Ang pagpuputol ng mga punong niyog ay napakatagal ng panahon nang ginawang isang krimen sa pamamagitan ng ipinasang batas, subalit hanggang sa kasalukuyan ay walang habas pa rin ang pamumutol ng tinaguriang “Tree of life” dahil sa dami ng pakinabang nito.
Maaalala na noong panahon ng dating Pangulong Benigno Aquino III, bago ito bumaba sa pwesto, ay nilagdaan nito ang isang batas na nagpapataw ng mas mabigat na parusa sa mga lalabag dito. Ayon sa panlalawigang tanggapan ng Philippine Coconut Authority (PCA) na nakabase sa Lunsod ng Lucena, inamyedahan ng Republic Act no. 10593 ang RA 8048 (Coconut Preservation Act of 1995) na siyang kokontrol o magreregulate sa pamumutol ng mga punong niyog at may ilang taon na itong nagkabisa, subalit tila hindi puspusang naipatupad at hindi nasusunod.
Bilang isang krimen, inaaasahang matitigil ang walang habas na pamumutol ng mga punong niyog at lalo pang mapaunlad, mapalago upang pakinabangan ng mga magsasaka at may mga pataniman ang coconut industry sa buong bansa. Sa ilalim ng naturang batas, maaaring putulin ang isang puno ng niyog kung ito ay 60 taon na sa kaso ng tall variety; hindi na namumunga; bugbog na sa sakit at hindi na masasagip; matinding napinsala ng bagyo o kidlat; ang lupang pinagtamnan ay ginawa nang residential o industrial area; ang lupa ay ginamit para sa ibang produktong agrikultura at nagdudulot ng pinsala sa buhay at ari-arian.
Hindi maaaring magputol ng punong niyog kung walang kaukulang permiso mula sa Philippine Coconut Authority (PCA). Ang aplikasyon para sa pagputol ay may bayad na P100 para sa bawat punong puputulin at ito ay mapupunta sa PCA (P40), pamahalaang bayan (P40), at barangay (P20) na nakakasakop sa lugar na pinagtaniman ng niyog.
Ayon pa rin sa naturang batas, hindi pagkakalooban ng permit to cut ang aplikante kung wala itong Certification under Oath mula sa kapitan ng barangay kung saan gagawin ang pagpuputol, na nagpapatunay na nakapagtanim na ng katumbas na bilang ng punong niyog na puputulin, at ito may aalamin o titiyakin naman ng PCA.
Kung mapatunayan ng PCA na walang itinanim na mga bagong puno ng niyog (no replanting took place), mapaparusahan ang kapitan ng barangay na nagbigay ng Certification ng pagkakakulong mula tatlo hanggang anim na taon, multang P100,000 hanggang P1.2 million, at habambuhay na hindi na maaaring humawak ng pwesto sa pamahalaan. Ayon pa sa PCA, napakahalaga ng puno ng niyog sapagkat halos lahat ng bahagi nito ay may pakinabang mula sa bunga, dahon, o palapa, puno mismo, ubod, at iba pa. at sa kasalukuyan, ang coconut sap ay source ng masustansyang asukal.
May ulat din mula sa Department of Health (DOH) na malaki ang posibilidad kaya pinag-aaralan na ang virgin coconut oil, na makagagamot umano sa COVID-19 base na rin sa isang pag-aaral na nauna nang isinagawa ng Singapore.
No comments